Quantcast
Channel: Gabay ng Mag aaral
Viewing all 223 articles
Browse latest View live

Si Juan ang Pumatay ng Higante

$
0
0
Si Juan ang Pumatay ng Higante


Isang umaga, tinawag si Juan ng kanyang ina. “Anak, dalhin mo kaya ang baka natin sa bayan at ipagbili mo. Wala na tayong maibili ng ating mga kailangan.”

Madali namang sumunod sa ina ang bata. Malapit na siya sa bayan, at hila-hila nga niya ang ipagbibiling baka nang may nasalubong siyang matandang lalake.

“Saan mo dadalhin ang baka?” tanong ng matanda,

“Sa bayan po, para ipagbili,” sagot ni Juan.

“Gusto mo, palitan ko na lang siya nitong mahiwagang buto? Magic ito, makikita mo,” alok ng matanda,

“Siyanga po? Mahiwaga?” Sapagkat bata, mahilig sa magic talaga si Juan, at madali ring mapaniwala. “Sige po, payag ako.”

Iniuwi niya ang isang dakot na buto ng halaman na palit sa baka. “Nasaan ang perang pinagbilhan mo sa baka?” tanong ng kanyang ina.

“Wala pong pera. Ipinagpalit ko po ang baka sa mga butong ito. Mahiwaga raw po ito, sabi ng matanda.”

Sa galit ng ina sa anak dahil nagpaloko raw ito, itinapon niya ang mga buto sa bintana. “Ikaw talagang bata ka, hanggang ngayon ay madali ka pa ring maniwala sa mga manloloko.”

Nang magising kinaumagahan si Juan, nagulat siya na may punong mataba sa labas ng bintana niya. Lumabas siya para masdan ang bigla na lamang na lumitaw na puno at nakita niyang pagkataas-taas nito. Hindi niya maabot ng tingin ang tuktok nito dahil nasa mga alapaap na.

“Nanay, tingnan ninyo ang puno! Mahiwaga nga pala ang mga buto! Aakyatin ko po.”

Inakyat nga niya ito at matagal bago siya nakarating sa tuktok. Sa itaas, may nakita siyang malapalasyong bahay at pumasok siya rito. May babaeng sumalubong sa kanya. “Naku! Bakit ka pumarito? Hindi mo ba alam na bahay ito ng higante? Naku, ayan na siya, dumarating! Tago ka diyan sa ilalim ng mesa at baka ka makita.”

“Ho-ho! Ano ba iyong naamoy ko?” Malakas ang tinig ng higante. “May ibang tao ba rito?”

“Wala po,” sagot ng babae. “Naaamoy lang po ninyo ang masarap na pagkaing luto ko. Sige po, kumain na kayo.”

Umupo ang higante at kinain ang isang palangganang pagkain na inihain sa kanya. Nagpahid ng bibig at tumawag sa babae, “Dalhin mo rito ang manok ko.”

Sa pagkukubli ni Juan sa ilalim ng mesa, nakita niyang ibinigay ng babae ang isang makulay na inahing manok sa higante. “Mangitlog ka, manok, at pagkatapos ay umawit ka para ako makatulog,” utos ng higante at inilagay sa mesa ang hinahaplos na manok.

Kitang-kita ni Juan na lumabas sa manok ang isang gintong itlog na tuwang-tuwang isinilid sa bulsa ng higante. “Ngayon, patulugin mo ako sa pag-awit mo.”

Pati ang tinig ng manok ay tila ginintuan din dahil madaling nahimbing ang higante. Dagling lumabas sa pinagtataguan si Juan, sinunggaban ang manok sa mesa, at nagtatakbo sa punong inakyatan niya.

Nang bababa na siya sa puno, biglang tumilaok ang inahin, “Tak-ta-la-ok!” Malakas at hindi na ginintuan ang boses nito, kaya nagising ang higante.

“Huy! Anong nangyari? Nasaan ang manok ko?” Nakita niyang halos nasa kalagitnaan na ng puno si Juan at ito’y hinabol niya.

“Inay, dali!” tawag ni Juan sa ina.

“Akina ang palakol. Hinahabol ako ng higante.”

Pagkaabot sa kanya ng ina ng palakol, inihataw niya itong dali-dali sa puno. Halos nasa ibaba na ang higante nang maputol niya ang puno. Patay ang higante nang bumagsak ito sa lupa.

Naging mariwasa ang buhay ni Juan at ng kanyang ina dahil sa manok nilang umiitlog ng ginto. Hindi naman nila ipinagmaramot ang mga biyaya nila sapagkat tumulong sila sa maraming salat sa buhay. 



Si Mario, si Ana, at ang Isda

$
0
0
Si Mario, si Ana, at ang Isda


Tuwang-tuwa ang mangingisdang si Mario nang may nabingwit siyang isang malaking isda. Nang ilalagay na niya ito sa buslo, bigla itong nagsalita,
“Huwag!” Muntik nang mahulog sa bangka si Mario sa malabis na pagkagulat.

“Ibalik mo ako sa tubig at bibigyan kita ng kayamanan,” sabi ng isda, na nagpipilwag.

Nang mahulasan si Mario, tinanong niya ang isda, “Ano ka ba, impakto?”

“Hindi, ako ay alagad ng mga sirena na naatasang magbantay dito sa malapit sa pampang. May kapangyarihan ako – mahika! Kaya ibalik mo lang ako sa tubig at ipagkakaloob ko sa iyo ang hihilingin mo.”

Naalaala ni Mario ang dampang tinitirhan niya. Lagi itong inirereklamo ng asawa dahil sa kaliitan. “Nais ko ang malaking tirahan,” sabi niya sa isda.

“Masusunod. Umuwi ka na at makikita mo ang iyong malaking tahanan,” sabi ng isda na kaagad namang ibinalik ng lalaki sa tubig.

Hindi lang malaki ngunit tila palasyo ng hari sa gara ang nadatnan niya. “Sa palagay ko, hindi na ako aawayin ni Ana. Malaki na ang bahay namin.”

Nguni’t hindi pa pala nasisiyahan ang asawa. “Hulihin mo uli ang isda. Sabihin mong walang mga kasangkapan. Dapat ay iyong magagandang mesa, silya, kama at mga dekorasyon sa bahay.”

Palibhasa’ y takot sa babae, bumalik si Mario sa dagat at namingwit. “Sana’y huwag ko na siyang mahuli para hindi na ako makahingi. Nakakahiya naman ang asawa ko,” bulong niya sa sarili.

Nagkataong lumalangoy pala sa malapit ang malaking isda at nang makita si Mario, ito’y lumukso sa kanyang bangka. “Ano, kaibigan, nagustuhan mo ba ang bahay mo?”

“Oo nga, maraming salamat. Nguni’t nakikiusap ang asawa ko, kung maaari raw, mabibigyan mo ba raw kami ng mga kasangkapan?” nahihiyang tanong ng mangingisda.

“O, sige. Bumalik ka na sa inyo at naroon na ang mga hinihiling ng asawa mo.”

Natitiyak ni Mario na matutuwa na ngayon si Ana. Malaking biyaya na talaga ang ibinigay sa kanila ng isda. Pagdating niya sa bahay, sinalubong siya ng asawa sa pintuan.

“Balikan mo uli ang isda. Humingi ka naman ngayon ng magagarang alahas at magagandang kasootan. Nais kong makita ng lahat dito sa bayan natin na tayo ang pinakamayaman dito,” utos ng babae sa asawa, na alam niyang hindi kayang sumuway sa bawa’t sabihin niya.

Hiyang-hiya si Mario na humarap uli sa isda, na madali niyang nakita sa pampang na pinaglalagian nito. “Nakakahiya sa iyo,” halos hindi niya maibuka ang bibig, “ngunit may hinihingi na naman ang asawa ko.”

Matagal na hindi sumagot ang isda, parang nag-iisip. Kapagkaraka ay nagsalita, “Nakikilala ko na kung ano ang uri ng pagkatao ang asawa mo. Isa siyang sakim at walang pakundangang babae. Hindi siya marunong mahiya, at hindi rin siya mabait na asawa. Parurusahan ko siya. Kukunin ko uli lahat ng naibigay ko na sa kanya.” Lumukso sa tubig ang isda at matuling lumangoy papunta sa laot.

Nang umuwi si Mario, nakita niya si Ana na nakaupong umiiyak sa hagdang kawayan, ng dati nilang dampa.

Si Paruparo at si Langgam

$
0
0
Si Paruparo at si Langgam


Takang-taka si Paruparo habang minamasdan niya si Langgam na pabalik-balik sa paghahakot ng pagkain sa kanyang lungga sa ilalim ng puno.

“Ano ba iyang ginagawa mo, kaibigang Langgam? Mukhang pagod na pagod ka ay di ka man lang magpahinga?” tanong ni Paruparo. “Bakit di ka magsaya na tulad ko?”

“Naku, mahirap na,” aniya. “Malapit na ang tag-ulan. Iba na ang may naipon na pagkain bago dumating ang tag-ulan.”

“Kalokohan iyan. Tingnan mo ako. Hindi natitigatig,” pagmamalaki ni Paruparo.

“Bakit nga ba?” Nagtataka si Langgam.

“Ganito iyon, e. Nakikita mo ba ang kaibigan ko sa damuhan?” inginuso niya ang nasa di kalayuan.

“Sino?’ tanong ni Langgam.

“Si Tipaklong, kaibigan ko iyan, Alam mo, matapang ang kaibigan ko. Nabibigyan niya ako ng proteksyon. Baka akala mo, dahil sa kanya walang sigwang darating sa akin,” pagyayabang ni Paruparo.

“A, ganoon ba?” sabi ni Langgam.

“Utak lang, utol. O, di pakanta-kanta lang ako ngayon dito. Ikaw lang e,” sabi ni Paruparo.

“Wala akong inaasahan kundi ang aking sarili. Kaya kayod dito, kayod doon,” mababa subalit madiin ang tinig ni Langgam. “O, sige, ipagpapatuloy ko muna ang aking gawain.”

Pagkatapos ng usapang iyon nagkahiwalay ang dalawa.

Ang mga sumusunod na araw ay maulan. Hindi lamang mahabang tag-ulan. May kasama pang bagyo at baha. Mahirap lumabas at kung makalabas man wala ring matagpuang pagkain.

Lalong umapaw ang tubig. Walang madaanan ang tubig dahil malalim din ang mga ilog at dagat. Tumagal ang baha. Palubha nang palubha ang kalagayan dahil malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan.

Ano kaya ang nangyari kay Langgam? Naroon siya sa guwang ng puno. Namamahinga. Sagana siya sa pagkain. Naisipan ni Langgam ang dumungaw upang alamin ang kalagayan ng paligid. Aba, ano ba ang kanyang nakita?

Nakita niya si Paruparo at Tipaklong na nakalutang sa tubig. Patay ang dalawa. Mayamaya’y dalawang mabilis na ibon ang mabilis na dumagit sa kanila.

Napaurong sa takot si Langgam sa kanyang nakita. Subalit nasabi pa rin niya sa kanyang sarili: “Kung sino ang may tiyaga, siya ang magtatamong pala.”

Sugong Kalapati

$
0
0
Sugong Kalapati 


Katatapos pa lamang naming maglaro ng basketball noong Biyernes na yaon. Si Karl at Bobby ay kasama kong nakaupo sa harap ng tindahan ng sarisari ni Mang Lucio at umiinom ng pepsi habang nagpapahinga.

Matamang nag-uusap kami tungkol sa aming malapit nang pagtatapos sa paaralan nang buhat sa madilim na karsada ay may nakita akong lumalakad na isang matandang lalaki. Pinagmasdan ko siya habang papalapit siya sa kinaroroonan namin. Matangkad siya, mahaba ang buhok, may balbas at nakasandalyas.

Tumigil siya sa pinto ng tindahan at nang makitang may mga tindang mga figurine sa isang eskaparate, siya’y pumasok. Binili niya ang isang figurine ng kalapating puti. Nang binabayaran niya ito kay Mang Lucio, sumulyap siya sa akin at ngumiti. Ako naman na halos namamalikmata rin sa pagtitig sa kanya ay napangiti rin.

Nang lumalabas na siya sa tindahan, hindi ko napigil na magtanong, “Ginagabi kayo, Tatang, Saan ba kayo pupunta?”

Tiningnan niya ako at ang sabi, “May pagbibigyan lang ako ng kalapating ito.”

Nang makaalis na ang matanda, tinanong ko sa mga kaibigan ko kung nakita nila ang mukha nitong tila kay bait-bait. Wala naman daw silang napansin di-karaniwan.

Kinabukasan, sapagkat Sabado at walang pasok, tanghali na akong nag-almusal. Biglang may narinig akong kumakatok sa aming pintuan.

Nagulat ako nang makita ko si Tatang pagkabukas ko ng pinto. Pinatuloy ko siya sa kusina at inalok na kumain. Pinagbigyan naman niya ako, naupo sa harap ko, at kumain.

“Naibigay na po ba ninyo ang inyong figurine na binili ninyo?” tanong ko sa kanya.

Tiningnan niya ako, “John, bakit ka nawalan ng tiwala sa Diyos?”

Nagulat ako sa sagot niyang malayo sa tanong ko. Nanginginig ang tinig kong nagtanong, “Sino po kayo at alam ninyo ang aking pangalan?” Wala na akong nasabi pa at para akong nanghina at nangamba.

“Psychic ako. Nababasa ko ang mga nangyayari sa buhay ng tao kapag tumitingin ako sa mga mata nito. Bakit mo tinalikuran ang Diyos?”

Pinilit kong sumagot. “Kung mabait po ang Diyos, bakit namatay sa sakuna ang dalawang pinakamamahal ko sa buhay?”

Tumayo si Tatang. “Anak ko, kapag tapos na ang misyon ng isang tao sa mundo, siya’y pinaakyat na sa langit.”

Inihatid ko si Tatang sa sasakyan, may pupuntahan daw siya sa kabilang bayan. Bago siya sumakay sa bus, dinukot niya sa bulsa ang kalapating figurine at iniabot sa akin.

Sa pagbabalik ko sa bahay, inilagay ko ang puting kalapati sa mesa. Umakyat ako sa silid para magbihis. Inisip ko na isasama ko sa aparador ng mga figurine ang kalapating bigay ni Tatang. “Sino nga kaya si Tatang?” Hanggang sa sandaling iyon tila naghihinala pa ako na may kababalaghang nababalot sa katauhan niya.

Pagbaba ko uli wala ang kalapati sa mesang pinaglagyan ko. Hinanap ko ito sa lahat ng dako na sisikdo-sikdo ang dibdib. “Tila nga mahiwaga ang nangyayari,” nasabi ko sa sarili.

Napatingin ako sa labas ng bintana at sa sampayan doon, nakita ko ang isang buhay na puting kalapati. “Diyos ko, patawarin po ninyo ako, Diyos ko. Mahal ko po kayo.”

Ngayong ako’y naririto sa seminaryo, may mga ilan na ring taong napangangaralan ako, mga taong nawawalan ng tiwala sa Diyos. Tao’s-puso ang pagtulong ko sa kanila dahil katulad din nila ako noon.

Tagalungsod Sila

$
0
0
Tagalungsod Sila


Tonio: Nanay, bakit po nais nina Tiyo Mario na doon manirahan sa lungsod?

Aling Nita: Paano, nasisiyahan sila roon. At doon na sila nahirati.

Tonio: Ano po ba ang masaya sa lungsod?

Aling Nita: Marami roong bahay. Maraming tindahan. Maraming pagawaan. Maraming sinehan.

Tonio: Tayo po naman dito sa lalawigan ay may mga sinehan din. Dalawa pa nga.

Aling Nita: Maraming hanapbuhay sa lungsod. Marami ring, tao. Maraming sasakyan. At maraming napaglilibangan tulad ng mga parke at mga zoo.

Tonio: Nang pumunta po tayo roon noong isang linggo ay napansin kong magkakatabi ang mga bahay. Ang mga bata nga po ay sa kalsada na naglalaro. Di po ba mahirap iyon? Baka sila masagasaan ng mga sasakyan.

Aling Nita: Oo nga, ngunit ang mga pinsan mo ay pinagsasabihan naman ng kanilang mga magulang na mag-ingat at huwag ngang maglaro sa mga dinaraanan ng mga sasakyan.

Tonio: Sana’ y dito na rin sila manirahan na kasama natin. Tahimik dito, malamig ang simoy ng hangin, sariwa ang mga pagkain at walang alikabok.

Aling Nita: Hayaan mo’t kapag nakausap natin sila ay ating hihimukin na bumalik na uli sila sa bukid.

Tikbalang

$
0
0
Tikbalang


“Ate, totoo bang may tikbalang? Pananakot lamang iyon para magbait ang mga bata, hindi ba?” tanong ni Edith sa panganay na kapatid.

“E sabi ni Tiyo Jose mayroon nga raw. Kasama pa raw siya noong makahuli sila nito.”

“Sige nga, Ate, ikuwento mo sa amin ang nangyari,” pakiusap naman ng bunsong si Teresa.

“O, halikayo at makinig kayo.”

Mayroon raw sa baryo nina Tiyo Jose na isang napakagandang dalagang nagngangalang Linda. Ang dami raw lumiligaw dito dahil bukod sa maganda na ay mabait pa.

Ngunit sa dinami-rami ng taga-baryong nangingibig sa kanya, walang nagpapatibok sa kanyang puso. Isang araw, may nakilala ang dalaga na binatang taga-Maynila, guwapo, matangkad, at mukhang kagalang-galang. Maraming mga dalagang nayon ang nahalina kay Roberto nguni’t ang napaglaanan nito ng pagtingin ay si Linda.

Ang pamimintuho ng binata ay sinuklian din ng pagmamahal ng dalaga kaya’t hindi nagtagal at sila’y ikinasal. Maligayang mga araw, ang nagdaan sa mag-asawang lubos ang pagmamahalan.

Ang naging supling ng kanilang pagmamahalan ay isang magandang batang babae na pinangalanang Ligaya. Nguni’t sa maaliwalas nilang langit ay dumating ang madilim na ulap. Nagkasakit si Linda at di-naglaon ay pumanaw. Naiwan ang mag-amang parang binagsakan ng sangmundong kapighatian.

Isang gabi nang binibigyan ni Roberto ang sanggol ng bote ng gatas, naramdaman niyang may dumating na tao sa kanyang likuran. Laking mangha niya nang makita sa pintuan ng silid ang asawa na kalilibing pa lamang nila noong nagdaang linggo. Hindi ito nagsasalita ngunit nakaunat ang mga kamay at waring hinihingi ang bata.

“Huwag, Linda, ikaw ay patay na. Hindi maaari!” Hinigpitan ni Roberto ang pagkapangko sa bata at umiiling.

Umalis ang babae, ngunit sa sunod na gabi ay naroon uli. Lalong mahigpit ang pagtanggi ni Roberto na iabot ang bata. Nguni’t hindi siya makatulog sa malaking takot at pagtataka. Nang nangyari uli sa ikatlong gabi, naisip niyang sumangguni sa mga matatandang taga-nayon.

“Hindi multo ni Linda iyon, Roberto. Tikbalang iyon na nag-aanyong tulad ng asawa mo. May mga tikbalang diyan sa ating parang. Doon sa mga puno ng lumbang sila natutulog pag-araw at sa gabi lumalabas.”

“Tunay po bang may tikbalang? Akala ko po’y mga istorya lang iyon,” takang-takang tanong ni Roberto.

“Totoong may tikbalang. Kilala mo ba si Karyong sintu-sinto? Kaya naging ganoon ang taong iyon ay dahil nakuha iyon ng tikbalang noong bata pa. Nawala nang dalawang araw at natagpuan ng ama sa ilalim ng puno ng lumbang.”

“Naku, ano po ang aking gagawin? Gabi-gabi po ay lalong humihigpit ang pamimilit niyang makuha ang bata,” halos maiyak-iyak si Roberto.

“Hayaan mo’t paghahandaan natin,” pangako ng matanda.

Nang gabing iyon, dumating sa dating oras ang tikbalang na mukhang si Linda. Nang dudukwangin na sana nito ang batang pangko ni Roberto, biglang naglabasan sa silid ang mga lalaki. Nagitla ang tikbalang at dagling tumalon sa bintana.

Ngunit sa ibaba ay nakahanda rin ang ilang taong bigla siyang nasunggaban sa buhok. Pinagtulung-tulungan nila itong iginapos sa puno ng niyog. Hinampas nang hinampas hanggang magsisigaw ito sa paghingi ng awa.

“Patawarin! Aalis na ako rito sa lugar ninyo, pakawalan lamang ninyo ako. Isasama ko lahat ng mga kampon ko. Lalayo na kami at di na kayo gagambalain. Maawa kayo.”

Sa kasisigaw nito at sa pangakong di na maninikbalang uli, naawa ang mga lalaking nayon at pinaalpasan na rin ang maligno.

Buhat nga noon, wala nang tikbalang pang nabalitaan sa baryo. Ang batang si Ligaya ay lumaki’t naging isang mabait at magandang babaeng tulad ng ina. Kahit nang mag-asawa siya ay di niya iniwan ang ama at inalagaan niya ito hanggang sa katandaan.

“Ang ganda ng kwento mo, pero nakakatakot, Ate,” sabi ni Edith. “Baka kami hindi makatulog.”

“Magdasal muna kayo bago mahiga,” paalala ng panganay, “kung hindi, sige, dadalawin kayo ng mga tikbalang!” 


Nasa Kamay ang Buhay ng Ibong Hawak

$
0
0
Nasa Kamay ang Buhay ng Ibong Hawak


May guro sa isang paaralan sa bukid. Kinawilihan siya ng mga mag-aaral dahil sa kanyang katalinuhan. Siya’y itinuturing na marunong pagkat bawat tanong ng mga bata ay kanyang nasasagot.

Naging ugali ng mga bata na lumikha ng mga tanong na sa akala nila’y mahirap at hindi masasagot ng kanilang maestro.

Isang araw si Florante, isa sa mga nag-aaral, ay lumalang ng isang tanong tungkol sa ibong kanyang nahuli. Nakatitiyak siyang anumang isagot ng guro, sa wasto o sa mali, ay pihong mali. Tingnan kung bakit.

Ang estratihiya o plano ni Florante ay payak lamang. Tatangnan niya ang ibon na kuyom sa kanyang palad at itatanong sa guro kung ang ibon ay patay o buhay.

Pag sinagot ng guro na ang ibon ay buhay, sadyang sisiilin niya ito sa kanyang palad upang mamatay. Sa gayon, mapapatutuhanang mali ang guro.

Kung ang isasagot ng guro ay patay ang ibon, ibubuka ni Florante ang kanyang kamay at pahihintulutan itong lumipad.

Ang sumunod na araw ay Biyernes, may pasok. Ang mga bata ay nasa loob ng klase. Si Florante ay kagyat na tumindig at nagtanong, “Maestro, pakisabi ninyo kung ang ibong tangnan ko ay patay o buhay.”

Ang klaseng nakikinig ay nakasisigurong mali ang isasagot ng matalinong guro.

Ang guro ay ngumiti muna bago sumagot, “Florante, ang buhay ng ibon ay nakasalalay sa iyong mga kamay!”

Ang Nakakulong na Ibon

$
0
0
Ang Nakakulong na Ibon


Sa pamamasyal ng Paniki sa bahay bahay tuwing gabi ay lagi itong napapalingon sa isang hawla. Nakakulong kasi roon ang isang ibong walang tigil sa matamis na pag-awit. Nang minsang natanawan ng Paniking sarado na ang mga bintana at tulog na ang nakatirang pamilya ay naglakas loob siyang lumapit at sumilip sa hawla.

“Napakatamis mong umawit,” nakangiting pahayag ng Paniki. “Pero nagtataka ako kung bakit hindi raw naririnig ang boses mo sa araw kung kailan lalong marami ang mga ibong liparan nang liparan.”

“Habang umaawit ako sa araw nang hulihin ako at ikulong dito. Isang aral iyan na aking natutuhan at hinding-hindi malilimutan.”

“Sayang ka kaibigan. Huli na bago ka nag-ingat. Dapat na pinag-isipan mo noon pa ang maaaring mangyari sa iyo kung ang kalayaan ay ipagwawalang bahala mo.”



Aral: Pag-isipan kung paano mapapanatili ang mga pangunahing karapatan.

Ang Oso at ang mga Turista

$
0
0
Ang Oso at ang mga Turista


Si Puti at si Itim ay magkaibigan. Sapagkat matagal na rin silang nagpapastol ng mga Tupa ay nagplano silang mamasyal upang maglibang.

Nagpaalam ang bawat isa sa kaniyang amo. Sa dahilang kapwa masisipag sa trabaho ay kaagad silang pinayagan. Binigyan sila ng sapat na pera upang may magastos sa kanilang lakad. Tuwang-tuwa ang dalawa. Pinag-isipang mabuti ni Puti at ni Itim kung saan pupunta. Sawa na sila sa matataas na gusali sa syudad kaya sa kagubatan sila papasyal. Sa halip na gastahin ang pabaong pera ay maipapasalubong pa nga naman nila ito sa kanilang mga magulang.

Tinalunton ng dalawa ang madamong daan. Pero nang nasa kalagitnaan na sila ng kagubatan ay namataan nila ang papalapit na higanteng Oso. Sa sobrang takot ay mabilis pa sa alas kwatrong umakyat si Itim sa mataas na puno. Si Puti naman ay nagpatay-patayan na lang sa kasukalan. Kitang-kita ni Itim na lilinga-linga ang gutom na Oso. Takang-taka si Itim kung bakit hindi man lang kinalmot o kinagat ng Osong may matutulis na kuko at ngipin si Puti. Sa halip ay nilapitan lang nito at inilapit ang bibig sa nagpapatay-patayan. Maya-maya ay tumalikod na at lumayo ang Oso. Napakamot sa ulo sa pagtataka si Itim.

Nang makasigurong wala na ang Oso ay madaling bumaba at kaagad lumapit si Itim kay Puti. Inusisa niya ito kung ano raw ba ang ibinulong ng Oso bago ito lumisan.

“Pinayuhan lang niya ako na pumili raw ng matapat na kaibigang hindi mang-iiwan sa oras ng kagipitan.”



Aral: Masusuri mo ang tunay na kaibigan sa oras ng kagipitan. 

Ang Paboreal at ang Heron

$
0
0
Ang Paboreal at ang Heron


Kinaiinisan ng lahat ng ibon ang Paboreal. Napakayabang kasi niya. Napakataas ang pagpapahalaga niya sa sarili. Sa palagay ng Paboreal, siya ang pinakamagandang hayop na may pinakamakulay na pakpak sa kagubatan. Naniniwala siyang dapat lang na pag-usapan ng lahat ng ibon ang maganda niyang paglakad, ang mapang-akit niyang pagtindig, ang matamis niyang pagngiti, at ang malambing niyang pag-awit.

Sa kayabangan nangunguna ang Paboreal. Kapag nagkakaumpok ang lahat ng ibon sa may damuhan ay sinasadya ng Paboreal na magdaan sa harapan nila. Upang lalong mapansin, ibinubukadkad niya ang makukulay na pakpak at lumalakad siyang parang reynang dapat na tingalain, hangaan at igalang.

“Pagkayabang-yabang ng Paboreal na iyan!” galit na bulong ng Kalapati.

“Oo nga. Palakad-lakad pa sa ating harapan. Parang reynang wala namang korona,” sabat ng Agila.

“Tuturuan natin ng leksiyon ang reyna kondesang yan,” pahayag ng Uwak.

“Ako ang bahala diyan,” sagot ng Heron.

“Bakit bubulung-bulong kayo diyan?” tanong ng Paboreal. “Siguro inggit na inggit kayo sa maganda kong pakpak at balahibo, ano?”

“Ang sinumang may pakpak ay dapat magpasikat hindi sa kulay ng pagka-ibon niya kundi sa paglipad niya sa kalawakan. Ikaw. Handa ka bang lumaban sa liparan?”

Hindi kaagad nakakibo ang Paboreal na sa kabiglaan ay pumayag sa laban.
Unang lumipad ang Heron. Nagpaikut-ikot ito sa kalawakan. Palakpakan ang lahat kahit na hindi gaanong mataas ay nakalipad ang humamon. “Ikaw naman ngayon, Paboreal.

Ikaw naman!” sigaw na panunudyo ng lahat.

Ibinukadkad ng Paboreal ang maririkit niyang pakpak. Nalungkot siya nang di man lamang siya makaangat sa lupa upang lumipad. Ikinampay niyang muli ang makukulay na pakpak pero wala ring paglipad na naganap.

Mayabang na ibinukadkad na muli ng Paboreal ang parang pamaypay na mga pakpak. Kumampay siya at bumilang pa mandin ng, “Isa! Dalawa! Tatlo!” Pero bigo at bigo pa rin siya. Hindi niya natutuhang lumipad sa kalawakan. Kahit may maganda siyang balahibo at pakpak, mapang-akit na tindig at malamyos na tinig ay hindi naman niya alam ang sining ng paglipad sa kaitaasan.

“Lipad, Paboreal, lipad!” sigaw ng lahat.

Lumayo si Paboreal na hiyang-hiya. Napansin ng lahat na malungkot siya at sa mga mata ay may luha. Magmula noon, natuto na siyang magpakumbaba.



Aral: Huwag magpakataas. Kung bumagsak ay lagapak. 

Ang Sakim na Aso

$
0
0
Ang Sakim na Aso


May isang sakim na Aso na lagi nang nagnanakaw ng mga pagkain ng mga inosenteng Tuta.

Isang araw ay gala nang gala ang Aso sa paghahanap ng magugulangang Tuta. Masuwerte ang ganid sapagkat isang Tutang may sakmal na pata ang makakasalubong nito sa daan. Nagkunwaring hindi pansin ng bruskong Aso ang Tuta pero nang mapalapit ay bigla nitong inagaw ang taba at nagtatakbong papalayo.

Nang mapagod sa katatakbo ang Aso ay nagpalinga-linga ito. Nag-aalala ang ganid na baka may higit na malaki pang Aso na gustong agawin sa kanya ang masarap na pata ng baboy. Upang makasiguro, hindi siya nagdaan sa kasukalan kundi sa makitid na tulay.

Habang naglalakad na sakmal ang inagaw na pata ay nasalamin niya sa malinaw na tubig ang sarili. Sa pag-aakalang higit na malaki ang patang sakmal-sakmal ng higit na maliit na Asong nasasalamin sa tubig, tinakot ng ganid ang anino sa pagtahol nito. Nabitawan ng Aso ang pata na lumubog sa malinaw na tubig. Sisinghap-singhap ang ganid na Aso sa panghihinayang.



Aral: Ang hangaring panlalamang ay walang magandang tutunguhan.

Ang Tigre at ang Langgam

$
0
0
Ang Tigre at ang Langgam


Isang tigre ang naglalakad. Naghahanap siya ng mapagpapahingahan. Nakakita siya ng isang malilim na puno. Agad siyang nahiga sa ilalim nito. Ngunit bigla siyang napatayo! May naramdaman siyang kumagat sa kanya. Inalam niya kung ano ito. Isang langgam ang nakita niyang papaakyat na sa puno.

“Hoy, Langgam! Ikaw ba ang kumagat sa akin?” usig niya sa langgam.

“Pasensya ka na. Hindi ko sinasadya. Nasaktan kasi ako nang ako’y mahigaan mo,” paliwanag ng langgam.

“Kay liit mo’y ang tapang mo! Gusto mo bang lumaban sa akin?” hamon ng tigre sa langgam.

“Aba, hindi! Paano ako lalaban sa iyo ay ang laki-laki mo?” mabilis na sagot ng langgam.

“Lalong hindi ako papayag na pakawalan ka na lang pagkatapos mo akong kagatin. Bumaba ka riyan at harapin mo ako!” galit na sabi ng tigre.

“O sige na nga. Pero dahil malaki ka, tatawag ako ng aking mga kasama,” wika ng langgam.

“Sige, tawagin mo pa ang buong lahi mo. Wala kayong laban sa akin,” mayabang na sagot ng Tigre.

Hindi na sumagot ang langgam.

Tahimik na umalis na lamang ito.

Maya-maya ay nagbalik ito kasama ang napakaraming langgam. “Narito na kami. Ako at ang aking mga kasama ay handa na. Gusto mo pa bang lumaban?” tanong ng langgam.

“Kahit ako nag-iisa, sa laki kong ito, wala kayong panalo sa akin. Isang tapak ko lang ay patay kayong lahat,” nagyayabang na sagot ng tigre.

“Kung gayon, umpisahan na natin,” sabi ng langgam.

Nagsimulang maglaban ang tigre at mga langgam. Tila iisang kumilos ang mga langgam. Sa isang saglit lang ay napuno ng langgam ang buong katawan ng tigre at sinimulan nilang kagatin ito. Hindi malaman ng tigre ang kanyang gagawin. Nagtatalon siya para mahulog ang mga langgam. Ngunit matibay ang kapit ng mga ito. Mula ulo hanggang paa ay may nakakagat sa kanya. Hindi niya makuhang gantihan ang mga langgam. Isa man ay wala siyang mapatay sa mga ito. Dahil dito, hindi na siya nakatiis.

“Suko na ako! Tama na!” sabi nito. Biglang bumitaw ang mga langgam sa tigre.

“O, bakit nagsisimula pa lamang ang laban ay suko ka na?” tanong ng langgam.

“Ngayon ay alam ko na. Kahit pala kayo maliliit ay hindi ko kayang talunin dahil may pagkakaisa kayo,” malumanay na sabi ng tigre.

“Kung gayon hindi mo na kami aapak-apakan, maging ang ibang maliliit na hayop dito sa gubat?” tanong ng langgam.

“Oo, ipinangangako ko,” sagot naman ng tigre.

Hindi na sumagot ang langgam. Lumakad na ito kasunod ang mahabang pila ng mga kasamang langgam. Alam niyang magbabago na ang tigre.


Nakaalis na ang mga langgam ay tulala pa rin ang tigre. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari sa kanya. Dati’y halos lahat ng hayop sa gubat ay takot sa kanya. Langgam lamang pala ang katapat niya. 

Ang Tigre at ang Lobo

$
0
0
Ang Tigre at ang Lobo


Isang araw ay nahuli ng Tigre ang isang Lobo sa kasukalan. Kakainin na sana ng mabangis na Tigre ang kaniyang huli nang itaas ng Lobo ang kaniyang leeg at nagwikang, “Teka, teka. Alam mo bang kaproproklama lamang ng mga Bathala na ako na raw ngayon ang Hari ng Kagubatan?”

“Ikaw? Hari ng mga Hayop?” hindi makapaniwalang sabi ng Tigre.

“Kung hindi ka naniniwala ay sumama ka at maglakad tayo sa buong kagubatan. Tingnan mo lang kung hindi matakot ang lahat makita lang ako!”

Hindi malaman ng Tigre kung paniniwalaan ba o hindi ang tinuran ng Lobo.

Mayabang na lumakad sa harapan ng Tigre ang Lobo. Nang ayain ng Lobo ang Tigreng umikot sa kagubatan ay napasunod ito.

Malayo pa lamang sa mga Usa ay kumaway-kaway na ang Lobo sa mga hayop na may mahahabang sungay. Takot na napatakbong papalayo ang mga Usa. Ganoon din ang naging reaksiyon ng mga Kambing, ng mga Kuneho at ng mga Tsonggo.
Takot ding nagsilayo ang mga Baboydamo at mga Kabayo.

Takang-taka ang Tigre.

Nang magtakbuhan sa sobrang takot ang mga hayop ay mayabang na nagsalita ang Lobo, “Kaibigan, naniniwala ka na bang ako na nga ang Hari ng Kagubatan?”

Napansin ng Tigre na kapag lumalapit na silang dalawa sa mga hayop ay lagi at laging nasa likod niya ang tusong Lobo.

Napag-isip-isip niyang hindi sa Lobo takot ang Usa, ang Kambing at Kuneho. Hindi rin dahil dito kaya kumaripas ng takbo ang Tsonggo, ang Baboyramo at Kabayo. Nang manlisik na ang mga mata ng Tigre at magsitayo na ang mga balahibo nito sa galit ay mabilis pa sa alaskwatrong nagtatakbong papalayo ang takut na takot na Lobo.



Aral: Dapat na maging mapanuri upang malaman ang layunin ng mga taong nakapaligid sa atin. 

Ang Tikling at ang Lobo

$
0
0
Ang Tikling at ang Lobo


Isang umaga ay nakaisip ng isang masamang biro si Lobo. Kinaibigan niyang mabuti si Tikling na may matulis na tuka. Inimbita niya itong maghapunan sa kaniyang kuweba. Sapagkat kinakitaan ng katapatan sa imbitasyon ay sumama kaagad si Tikling.

Sa loob ng kuweba ay pinaupo sa komportableng batuhan ang bisita. Habang naghihintay si Tikling ay pumasok kaagad sa kusina si Lobo. Ngingisi-ngisi itong nagluto ng sopas sa kaldero. Matapos kumulo ay ibinuhos nito ang sopas sa dalawang malalapad na pinggan.

Nagsimulang langhapin ng Tikling ang masarap na sopas. Hirap siyang tukain ang sopas mula sa malapad na pinggan.

Nang sulyapan ng Lobo ang Tikling ay muntik na itong mapahalakhak sa tuwa. Hirap na hirap kasi ang Tikling sa paggamit nito ng tuka.

“Mukhang hindi ka yata nasasarapan sa sopas na inihanda ko.”

“Nasasarapan naman. Matulis lang talaga ang tuka ko.”

Totoong naging katuwa-tuwa ang pagpipilit ng Tikling na makuha ang sopas sa malapad na pinggan. Sa kabiguan ng Tikling na tukain ang sopas ay ipinaubaya na lang nito sa bibong Lobo ang pag-ubos ng handa.

Nang makalayu-layo na ang Tikling ay nagpanting ang tenga niya nang maulinigan ang mapanudyong halakhak ng mapagbalatkayong kaibigan.

“Gaganti ako. Makikita mo!” galit na galit ang nakakunot-noong Tikling.
Kinabukasan ay nakaisip ng ganti si Tikling. Inimbita niya ang Lobo sa isang pananghalian sa tabing ilog.

“Ikaw kagabi, ako naman ang nag-iimbita sa isang pananghalian.”

“O sige. Tiyak na masarap na pananghalian ang handa mo!”

Pagdating sa tabing ilog ay nagluto rin ng sopas ang Tikling. Isinalin naman nito ang masarap na sopas hindi sa malapad na pinggan kundi sa dalawang pitsel na may makikipot na bibig.

“O sige, kain na tayo,” imbita ni Tikling.

Dali-daling isinuot ng ngingisi-ngising Tikling ang matulis nitong tuka sa bunganga ng pitsel. Sa isang iglap lang ay ubos na ang sopas niya.

Baling kaagad ito sa Lobo na hirap na hirap na ipasok ang nguso sa bibig ng pitsel.

“O sa iyo na. Hirap kong higupin ang sopas sa pitsel na iyan!” galit na galit na lumayas si Lobo na lalong nagutom habang naririnig ang paglunok ni Tikling sa masarap na sopas.



Aral: Huwag manlamang kaninuman upang hindi ka rin lamangan

Ang Tsonggo at ang Alamid

$
0
0
Ang Tsonggo at ang Alamid


Sa gitna ng isang ilog ay may maliit na isla. Sa nasabing isla ay may nakatanim na mga puno ng peras na hitik na hitik sa bunga.

Ang Alamid at ang Tsonggo na nakatayo sa tabing ilog ay pinanlalakihan ng mga mata. Gustung-gusto nilang pitasin at kainin ang madidilaw na sa hinog na peras. Ang problema, malayo sila sa mga puno na natatanaw lamang nila. Hindi sila marunong lumangoy at wala ring bangka sa paligid nila.

Nagkasundo ang dalawang kumuha sila ng malalaking sanga ng mga puno sa paligid. Pinagtabi-tabi nila ang mga ito at itinali ng mga yantok. Nang mapahaba ang tulay ng mga sanga ay itinulak nila ito sa tubig.

“O, hayan, mahabang-mahaba na ang tulay natin papuntang isla. Puwede na tayong lumakad sa ibabaw ng tulay upang kunin ang mga peras sa isla,” paliwanag ni Tsonggo.

“Sampa na!” utos ni Alamid.

Napansin ni Tsonggong tumatagilid ang tulay kapag silang dalawa na ni Alamid ang sabay na tumatapak. Bumaba na sila sa tulay at nag-usap.

“Hayaan mong mauna akong lumakad sa tulay. Sumunod ka pag narating ko na ang isla,” suhestiyon ni Alamid.

Pumayag si Tsonggo sa kundisyong paghahatian nila ang mga peras na hating kapatid.

Nauna nga si Alamid pero nang marating na nito ang isla ay naiba na ang simoy ng hangin. Ngingisi-ngisi nitong inakyat ang mga puno.

“Pagkarami-raming peras! Lahat ng peras ay akin. Wala akong ititira sa iyo.”

Matagal na naghintay sa tabing-ilog si Tsonggo. Galit na galit ito sa di pagtupad ni Alamid sa napag-usapan nila.

Upang makaganti ay may naisip na istratehiya ang Tsonggo. Hinatak niya ang tulay papuntang tabing ilog. Nang makita ni Alamid na papalayo na sa isla ang tulay ay nagtatalon siya sa takot.

“Maawa ka, Tsonggo! Maawa ka! Ibalik mo ang tulay. Hahatian kita ng peras. Pangako!” nagtatalon sa takot ang Alamid.

“Ikaw ang magpahinog!” bulong ni Tsonggo. “Paano mo ko mahahatian e inubos mo na lahat ang peras. Kailangan pang hintayin ang isang taon para mamulaklak at magbunga ang puno. Iyo na lahat ng peras. Akin naman ang tulay sa tabing ilog ko papalayo sa isla mo!”



Aral: Kailangan kang maging makatarungan upang ikaw ay pahalagahan. 

Ang Uhaw na Uwak

$
0
0
Ang Uhaw na Uwak


May isang uhaw na uhaw ha Uwak na gustong uminom sa isang pitsel na naiwan sa mesa. Makipot lamang ang bunganga ng pitsel kaya hindi maipasok ng Uwak ang ulo upang sipsipin ng tuka ang tubig. Hirap na hirap abutin ng Uwak ang kaunting tubig sa malalim na sisidlan. Kahit na anong pilit ay hindi mabawasan ang sobrang pagkauhaw ng ibon.

Tumingala siya at luminga-linga sa paligid. Alam niyang may kasagutan sa alinmang problemang kinakaharap natin. Tama siya! Sa isang iglap ay naisip niya ang tanging kasagutan. Lumipad siya sa labas at tumuka ng isang munting bato na inihulog sa loob ng pitsel. Nagpabalik-balik siya sa paglalagay ng mumunting bato hanggang sa umabot ang tubig sa makitid na bunganga ng pitsel. Nakainom ang Uwak at natugunan ang pagkauhaw niya sa isang iglap lamang.



Aral: Ang bawat suliranin ay madaling sagutin kung ating iisipin. 

Ang Unggoy at ang Pagong

$
0
0
Ang Unggoy at ang Pagong


Magkaibigan sina Unggoy at Pagong. Minsan sa kanilang pamamasyal ay nakakuha sila ng isang punong saging. Naisip nilang paghatian at itanim ito.

Likas na tuso ang unggoy kaya nagmamadali niyang pinili ang bahaging itaas ng saging. Sa kanyang palagay ay malapit na itong mamunga dahil marami ng dahon. Masaya niya itong itinanim.

Samantala, walang kibo namang itinanim ni Pagong ang ibabang bahagi ng saging.

Makalipas ang ilang araw ay natuyo nang lahat ang dahon ng saging na itinanim ni Unggoy. Samantala, dahil may ugat ang bahaging itinanim ni Pagong, unti-unti nang sumibol ang dahon nito.

Labis ang kasiyahan ni Pagong nang magbunga ang kanyang saging. Hindi nagtagal ay nahinog na ito. Ngunit hindi naman niya maakyat ang puno. Tinawag niya ang kaibigang si Unggoy upang tulungan siyang makuha ang bunga ng saging.

Mabilis namang umakyat sa puno si Unggoy. Agad itong namitas at kumain nang kumain sa itaas ng puno. Sa halip na bigyan si Pagong ng bunga ay balat ang itinatapon ni Unggoy kay Pagong. Dahil dito ay nagalit si Pagong at tahimik itong umalis.

Maya-maya ay bumalik itong may dalang mga tinik. Inilagay niya ito sa katawan ng puno ng saging. Pagkatapos ay dali-dali siyang umalis nang hindi namamalayan ni Unggoy.

Nang mabusog si Unggoy, hinanap niya sa ibaba si Pagong. Ngunit hindi na niya ito nakita.

Mabilis siyang bumaba sa puno kaya hindi niya napansin ang mga tinik sa katawan nito.

“Aruy! Bakit napakaraming tinik dito?” panaghoy ni Unggoy.

Matapos alisin ang mga tinik ay hinanap niya si Pagong. Sa di kalayuan ay naabutan niya ang humahangos na si Pagong.

“Aha! Nahuli rin kita. Bakit mo nilagyan ng tinik ang puno?” usig nito kay Unggoy.

Hindi kumibo ang nag-iisip na si Pagong kaya lalong nagalit si Unggoy.

“Dudurugin kita nang pinung-pino,” matigas na sabi ni Unggoy.

“Mabuti naman at dadami kami,” mahinahong sagot ni Pagong.

Nag-isip si Unggoy. “Alam ko na! Iihawin kita sa apoy.”

“Salamat naman at lalo akong gaganda dahil pupula ang buo kong katawan,” wika ni Pagong.

Muli, nag-isip na naman ang unggoy habang mahigpit pa ring hawak-hawak ang pagong.

“Itatapon kita sa ilog,” banta ni Unggoy.

“Huwag! Para mo nang awa! Malulunod ako!” pagsusumamo ni Pagong.

Sa narinig ay dali-daling itinapon ni Unggoy si Pagong sa ilog.

“Ha-ha-ha! Nakalimutan mo na bang dito ako nakatira?” patuyang tanong ni Pagong kay Unggoy.

Natulala si Unggoy. Bakit nga ba hindi niya naalalang sa tubig nakatira si Pagong?


Sa nangyari ay lalong tumindi ang galit ni Unggoy. Masayang-masaya namang lumangoy papalayo si Pagong. 

Ang Usa sa Ilug-ilugan

$
0
0
Ang Usa sa Ilug-ilugan


Isang Usang nahapo sa katatakbo ang huminto sumandali sa tabi ng ilug-ilugan. Uminom siya sa sobrang uhaw. Aalis na sana siya nang napansin ang sariling anyo sa malinaw na tubig. Matagal niyang pinagmasdan ang sarili at humanga siya sa nasalamin.

“Talagang maganda nga pala ang mga sungay kong sanga-sanga. Para itong mga korona ng isang napakagandang prinsesa!”

Habang iniyuyuko ang ulo upang lalong maaninaw ang kaniyang nagniningning na mga korona ay napatapak siya sa malinaw na tubig. Napamulagat siya nang makita ang anyo ng kaniyang mga binti.

“Aba, aba. Nakahihiya pala ang mga binti ko. Sobra sa payat. Hindi bumabagay sa kaakit-akit na mga korona ko!”

Sa kaaaninaw sa sarili ay nagulat siya nang may marinig na mga kaluskos na papalapit sa kinatatayuan niya. Nang lingunin niya ay naroroon at naghihintay pala ang Leyong handa nang sumakmal sa kaniya.

Kumaripas siya ng takbo. Kahit payat ang mga binti ay parang buhawi siya sa bilis ng pagtakbo. Nakapasok na siya sa loob ng kagubatan nang masabit sa mga halaman ang mga sungay niya.

Ang mga korona niyang ipinagpaparangalan ang maghahatid pala sa malagim niyang kamatayan.



Aral: Mahalin ang bawat bagay na bigay sa atin ng Diyos. May kadahilanan kung bakit ibinigay Niya ito sa atin.

Ang Uwak at ang Gansa

$
0
0
Ang Uwak at ang Gansa


Isang Uwak ang nakaramdam ng pagkasawa sa pang-araw-araw na gawain. Sawa na siya sa paglipad sa kalawakan. Sawa na rin siya sa pamamasyal sa matarik na kabundukan at malawak na kagubatan.

Ano kaya ang dapat niyang gawin upang malibang? Bigo siya sapagkat di niya makita kung anong bagay ang makapagpapaligaya sa kaniya.

Isang araw, dumapo siya sa sanga ng punong mangga. Tiningnan niya sa ibaba ang malinaw na batis. Kitang-kita niya ang kekembot-kembot na paglalakad ng isang pulutong na mga Gansa. Noon lamang napansin ng Uwak ang mapuputing balahibo ng pinanonood. Humanga siya sa mahahaba nilang leeg. Masasaya ang mga Gansa sa paglangoy nila sa batis. Maririnig mo ang malalamyos nilang tinig.

“Masasaya na sila, magaganda pa! Pagkapuputi ng mga balahibo nila. Maitim na maitim ako. Pagkapangit-pangit ko. Siguro nakapagpapaputi, nakapagpapaganda at nakapagpapaligaya ang batis na pinaglalanguyan nila.”
Upang makalangoy din, nakipagkaibigan siya sa isa sa mga Gansa. “Binibining Gansa, maaari bang sumabay sa iyong paglangoy?”

“Aba, oo. Halika. Ang batis ay kalikasang handog ng Panginoon. Halika sumabay ka sa akin!”

Kumislap ang mga mata ng Uwak. Sa wakas ay makalaiangoy na rin siya. Subalit di tulad ng mga Gansa, ang Uwak ay hindi marunong lumangoy. Sapagkat gustung-gustong madaling pumuti, gumanda at lumigaya, pinilit niyang lumangoy na malayo sa Gansang kinaibigan niya. Sa kasamaang palad ay nabasa ang mga pakpak ng Uwak at natangay siya ng rumaragasang mga alon.


Aral: Huwag pangarapin ang di kayang abutin.

Ang Uwak na Naghari-harian

$
0
0
Ang Uwak na Naghari-harian


Lagi nang nag-aaway-away ang mga ibon sa kagubatan. Naglalaban sila kung sino ang may pinakamagandang tindig. Nag-iiringan sila kung sino ang may pinakamakintab na tuka. Nagpaparunggitan sila kung sino ang may pinakamahabang buntot. Ayaw patalo ng lahat. Iginigiit nilang panalo sila. Kabilang sa iba pang pinaglalabanan ang pinakamakulay na pakpak, ang pinakamataginting na huni at ang pinakamatipunong pangangatawan. Ayaw padaig ng lahat. Dapat lang daw silang manalo. Wala raw sa guni-guni nila ang pagkatalo. Ang bawat isa ay nagyayabang na siya ang pinakamataas lumipad, na siya ang pinakamahigpit kumapit, na siya ang pinakamalakas kumampay.

Kapag ayaw patalo ang sinuman, maingay na maingay na hunihan nang hunihan ang lahat. Ang dating matatamis na huni kapag pinamamayanan ng inggit at yabang ay nakatutulig sa buong kagubatan. Nang matulig na ang nimpa ng kalikasan ay nagpakita ito sa lahat ng mga ibon.

“Hindi ko gusto ang awayan ninyo sa kagubatan. Kailangang pumili kayo ng mamumuno sa inyo. Isang Puno ng mga Ibon ang dapat ninyong iluklok. Ang Puno ay kailangan ninyong sundin. Dapat na maging matapat sa layunin ang mapipili niyong Puno. Kailangang mapasunod kayo upang maging mapayapa ang daigdig ng mga ibon.”

Iniisip ng bawat ibong dapat lang na husgahan sila ayon sa ganda ng kanilang balahibo at pakpak. Balahibo at pakpak ang una raw nakikita sa mga ibon sa malayuan at malapitan. Ang ibong may magagandang balahibo at pakpak ang may maganda rin daw na kalooban. Ang ibong may pinakamagandang kalooban ay katangian ng isang mabuting puno.

Upang mapiling pinuno nakaisip ang bawat ibong hubarin ang kanilang balahibo at pakpak sa mga kugon. Kabilang sa naghubad ng balahibo at pakpak sina Kalapati, Agila, Maya at Loro. Sumunod din sina Kilyawan, Gansa, Tikling at Pabo.

Habang nasa tubig ang lahat ay walang paalam na pinuntahan ng puting Uwak ang mga iniwang balahibo at pakpak. Iba’t iba ang hugis at kulay ng mga ito. Nakaisip ng magandang ideya ang umaawit na Uwak. Kumuha siya ng malagkit na dagta ng isang halaman. Matapos ipahid sa buong katawan ay mabilis na idinikit ang pinulot na naggagandahang balahibo at pakpak.

Hindi siya makapaniwala nang masalamin niya sa kristal na tubig ang buong kaanyuan. Magandang-maganda ang balahibo at pakpak niya. Hindi na siya puting-puti sa kabuuan. Kulay bahaghari siya na makulay na makulay. Natitiyak niyang pipiliin siyang maging Puno ng mga kasama.

Dumating ang araw na ipinatawag ng nimpa ng kalikasan ang lahat ng mga ibon sa kagubatan. Nang iparada na ng bawat isa ang mga balahibo at pakpak nila ay gulat na gulat sila sa Uwak. Iba’t iba kasi ang hugis at kulay ng kasuotan nito. Kahit nagdududa kung sino nga ba at kung saang kagubatan galing ang napakagandang ibon, malakas pa rin nila itong pinalakpakan. Tinanghal nila itong may pinakamaganda at pinakamakulay na mga balahibo at pakpak na kasuotan.

Sumang-ayon ang nimpa ng kalikasan sa mainit na pagtanggap ng mga ibon sa lider na mamumuno sa kanila. Bilang pagbibinyag sa bagong puno ay pinaambunan ng nimpa ng kalikasan ang kalangitan.

Nagliparan ang mga ibong panghimpapawid at iwinasiwas naman ng mga ibong panlupa ang kanilang mga pakpak. Nagtataka ang lahat kung bakit ayaw ng bagong puno nila na lumipad sa kalawakan o magkampay kaya ng pakpak sa kalupaan. Bakit nga ba?

Pinalakas ng nimpa ang ambon na nauwi sa ulan.

Nagtawanan ang lahat nang isa-isang matanggal ang makukulay na balahibo at pakpak ng Uwak.

Sa galit ng nimpa na manlolokong Uwak pala ang nahalal na Puno ng mga Ibon, isinumpa itong magkaroon ng itim na balahibo at pakpak sa habang panahon. Binawi rin ng nimpa ang magandang huni ng Uwak. Kabuntot ng sumpa, obligado ang Uwak na hanapin sa bundok man o kagubatan ang anumang hayop na namatay. Sa kasaysayan, totoo nga namang Uwak ang tagapaghanap ng inuod na bangkay ng hayop at tao man.



Aral: Ang panlilinlang ay dapat na parusahan. 
Viewing all 223 articles
Browse latest View live