Quantcast
Channel: Gabay ng Mag aaral
Viewing all 223 articles
Browse latest View live

Apolinario Mabini

$
0
0
Apolinario Mabini

Kahit ka may kapansanan, maaari ka ring maging bayani ng bayan. Ito ay isang katotohanang naganap sa buhay ng isang paralitiko sa katauhan ni Apolinario Mabini.

Si Apolinario ay ipinanganak sa Tanauan, Batangas noong Hulyo 23, 1864. Kapwa magsasaka ang kanyang ama at ina na sina Inocencio Mabini at Dionisia Maranan.

Bata pa lang ay kinakitaan na siya ng katalinuhan. Kahit mahirap lang ay nabigyan siya ng pagkakataong makapag-aral nang maipasa ang pagsusulit sa Kolehiyo de San Juan de Letran. Kahit na libre sa pag-aaral, kailangan din niyang bumili ng pagkain, uniporme at kagamitan. Napilitan siyang magturo ng Latin sa mga pribadong paaralan sa Maynila, Bauan at Lipa.

Nang matagumpay niyang natapos ang Bachelor of Arts ay ipinagpatuloy niya ang pag-aaral ng Bachelor of Laws sa Unibersidad ng Santo Tomas. Malaki ang gastusin ni Apolinario bilang estudyante ng abugasya kaya namasukan siyang istenograper sa Court of First Instance at klerk sa Intendencia General.

Ang pag-ibig sa bansa ang dahilan kaya muli niyang binuhay ang “La Liga Filipina” noong 1863. Nang halinhan ito ng Cuerpo de Compromisarios noong 1864 ay nahalal si Apolinario bilang Sekretaryo ng organisasyon. Ang nabanggit na samahan ay naglayong magbigay ng moral at pinansyal na tulong sa mga propagandistang Pilipino sa Espanya.

Kahit hati ang sarili sa pag-aaral, pagtatrabaho at pagtulong sa propaganda, nakuha pa ring matagumpay na matapos ni Apolinario ang abugasya noong 1895.

Habang namamasukan bilang notario publico, dinapuan ng napakataas na lagnat si Apolinario na nauwi sa pagkakasakit niya ng polio. Kahit na may sakit, nagpatuloy siya sa pagtulong sa mga rebolusyonaryo.

Nang malaman ng mga Guardia Civil ang pakikisangkot niya sa pagpapalaya ng bansa ay inaresto ang “Dakilang Paralitiko.” Kung hindi sa kaniyang karamdaman, maaaring naparusahan siya ng kamatayan. Sa mismong Ospital ng San Juan de Dios kung saan siya ginagamot pinamalagi siya bilang bihag.
Matapos palayain, pansamantala siyang nanirahan sa Laguna upang maglunoy paminsan-minsan sa maligamgam na mga batis ng Los Banos.

Ang talino sa batas ay nabigyang diin ni Apolinario nang sumulat siya ng isang artikulo para sa mga lider rebolusyonaryo. Ang nasabing manifesto ay nagpapahalaga sa pagtindig ng Pilipinas bilang isang malayang bansa kung matatalo ng Estados Unidos ang Espanya sa digmaan nilang dalawa. Sa husay ng mga paliwanag ay ipinasundo ni Pangulong Aguinaldo si Apolinario at ginawa niya itong tagapayo.

Isa sa mga mahuhusay na payo ni Apolinario kay Pangulong Aguinaldo ay ang pagpapalit ng porma ng gobyerno. Mula diktaturya, naging rebolusyonaryo ang porma ng pamahalaan ng Pilipinas. Ipinaorganisa ni Apolinario ang mga lalawigan, munisipalidad, hukuman at pulisya.

Nagsilbi si Apolinario bilang Pangulo sa Konseho ng mga Kalihim. Hinirang siya sa Pamahalaang Aguinaldo bilang Kalihim Panlabas.

Si Apolinario rin ang pinasulat sa maraming alituntuning dapat ipatupad sa buong bansa.

Dalawa sa mga mahahalagang dokumentong naiambag ni Apolinario ang El Verdadero Decalogo at Programa Constitucional de la Republica Filipina. Ang Decalogo ay naglalayong gisingin ang damdamin ng mga Pilipino. Samantala, ang Programa Constitucional ay naglalayong isulat ang isang konstitusyong susundin ng mga Pilipino upang malaman nila ang kanilang mga karapatan at obligasyon bilang mga mamamayan.

Nang matuloy ang giyera Pilipino-Amerikano, inilikas si Apolinario sa Cuyapo, Nueva Ecija kung saan nasundan siya ng mga Amerikano. Dalawang taon din siyang naging bihag pandigmaan.

Matapos palayain, tumira ang Dakilang Paralitiko sa isang maliit na dampa sa Nagtahan, Maynila. Sa sobrang pagmamahal sa Pilipinas, sumulat sa pahayagang El Liberal ang matalinong abugado. Ang mga makabayang opinyon niya ang naging dahilan upang ipatapon si Apolinario sa Guam.

Isang mataas na posisyong pampamahalaan ang ibinibigay kay Apolinario ng Pamahalaang Amerikano pero tinalikuran ito ng Dakilang Paralitiko. Minarapat niyang mamalagi sa kaniyang munting dampa na malaya kahit maralita.

Namatay si Apolinario Mabini noong Mayo 13, 1903 na isang dakilang Pilipinong hinahangaan sa buong mundo.


Emilio Jacinto

$
0
0
Emilio Jacinto

Disinuwebe anyos lamang si Emilio Jacinto, kinikilalang Utak ng Katipunan, nang maging rebolusyonaryo.

Ipinanganak siya sa Trozo, Maynila noong Disyembre 15, 1875. Isang tagatala ang ama niyang si Mariano Jacinto at masipag na maybahay naman ang ina niyang si Josefa Dizon.

May angking talino si Emilio kaya kahit sapat lamang ang naiipong pera ng mga magulang ay sinikap siyang pag-aralin. Sa pribadong eskwelahan ni Maestro Pascual Ferrer unang nag-aral si Emilio. Tinapos niya sa Letran ang kaniyang kursong batsilyer. Ang abugasya ay kinuha naman niya sa UST.

Nang sumapi si Emilio sa Katipunan noong 1894 ay tinanggap niya ang bansag na pangalang “Pingkian.”

Kahit isa sa pinakabatang miyembro ng KKK, ang katalinuhan ni Emilio ang pasaporte niya upang igalang ng lahat. Humawak siya sa KKK ng iba’t ibang posisyon: bilang kalihim, piskal at editor. Tinitingala si Emilio bilang Editor ng pahayagan ng Katipunan na kilala sa tawag na “Kalayaan.” Bilang manunulat-pulitikal, siya ang awtor ng pamasong Liwanag at Dilim at ng tulang A La Patria.

Si Emilio ang utak sa unang paglusob ng mga katipunero sa garisong Espanyol sa San Juan del Monte noong Agosto 30, 1896.

Tampok sa mga gawain ni Emilio bilang rebolusyonaryo ang pangangalap ng baril, bala, papel at tinta. Siya rin ang namamahala sa pangingilak ng salaping ginagastos sa pakikidigma.

Minsang nakipagbarilan si Emilio sa mga manunudlang Kastila sa Laguna ay tinamaan siya sa hita at dinala sa Simbahan ng Sta. Cruz. Matapos gamutin at imbestigahan ng mga Kastila ay ipinakita niya ang isang pasaporte ng isang espiyang puti na nagngangalang Florentino Reyes. Ang nasabing pasaporte ay pag-aari ng espiyang nadakip ni Emilio sa sagupaan sa Pasig.

Sa pagpapanggap ni Emilio, naisalba niya ang buhay sa oras ng kagipitan.

Nang pamunuan ni Emilio ang mga rebolusyonaryo sa Majayjay, Laguna ay dinapuan siya ng malaria. Ito ang naging dahilan ng kaniyang kamatayan. Sa maraming sundalong pinamunuan ni Emilio, kinilala ang kaniyang talino, tapang at dangal.

Isang tunay na bayani si Emilio Jacinto na lalong kilala sa tawag na “Pingkian ng Katipunan” at “Dimas-ilaw ng Literaturang Pandigmaan.”

Graciano Lopez Jaena

$
0
0
Graciano Lopez Jaena

Isang tinitingalang propagandista, si Graciano Lopez Jaena ay lalong kilala sa tawag na “Prinsipe ng mga Orador.”

Ipinanganak siya sa Jaro, Iloilo noong Disyembre 18, 1856. Mga magulang niya sina Placido Lopez at Maria Jacob.

Unang nag-aral si Graciano sa Colegio Provincial ng Jaro. Batang-bata pa lang ay kinakitaan na siya ng katalinuhan at kabibuhan ng kaniyang gurong si Padre Francisco Jayme. Tinapos niya ang antas sekundarya sa Seminario de San Vicente Ferrer. Sa nasabing paaralan, tinanghal siya bilang Pinakamahusay na Estudyante sa Teolohiya.

Inakala ng mga magulang ni Graciano na pagpapari ang papasukin niyang kurso. Nagkamali sila sapagkat inspirado siyang maging doktor. Sa kakulangan ng salaping itutustos, napilitan siyang mag-aprentis sa San Juan De Dios Hospital. Sa pagtulung-tulong sa mga doktor, natutuhan niya ang panggagamot sa mga simpleng karamdaman. Sa pagbabalik niya sa lalawigan, kahit bawal ay nanggamot siya ng iba’t ibang sakit ng mga kababayan.

Sa panggagamot at pakikisalamuha sa mga maralitang kababayan, napuna niyang marami palang kawalang katarungan ang ipinaparusa ng mga Kastila. Sa maraming pisikal na karamdamang dinaranas ng mga kababayan, napag-alaman niyang dobleng hirap pala ang dinadala ng mga taong nakapaligid sa kaniya.

Dito na nagsimulang magkomentaryo ang propagandista. Lagi at lagi niyang ipinaliliwanag sa bawat pasyente ang kawalang katarungan ng mga Kastila.

Noong 1874 ay pinag-usapan ng marami si Graciano nang isulat niya ang komentaryong “Fray Botod” at “La Hija del Fraile” na naglalarawan sa masasamang pag-uugali ng mga paring Espanyol. Ang nasabing mga artikulo ang dahilan kung bakit hinanap siya ng mga awtoridad upang ipakulong. Upang iligaw ang mga militar, kaagad siyang lumabas ng Pilipinas at nagpunta sa Espanya.

Sa Madrid ay naging pangunahing kritiko si Graciano. Nagsulat siya ng mga opinyon laban sa pamahalaang Kastila na nagpapalakad sa Pilipinas at sa mga prayleng Kastila na humahawak sa Simbahang Katoliko sa bansa.

Naging mabiling-mabili ang mga kritisismo ng propagandista na napublika sa mga dyaryong Los Dos Mundos, El Liberal, El Progreso, Bandera Social, La Publicidad, El Pueblo Soberano at El Deluvio.

Sinikap din ni Gracianong makasulat ng mga artikulo sa ekonomiya sa mga pahayagaang Espana En Filipinas, Revista del Circulo Hispano Filipino at Revista de la Camara de Comercio de Espana.

Naging aktibong miyembro din siya ng Circulo Hispano Filipino na isang organisasyon ng mga Pilipino kasama ang mga Espanyol na sumisimpatiya sa ipinakikipaglaban ng mga propagandista.

Ang pagiging mamamahayag ay ginamit ni Graciano upang mapalawak ang galaw ng propaganda. Pebrero 15, 1889 nang ilathala niya ang La Solidaridad. Naging layunin ng nasabing dyaryong kumalaban sa paninikil, gumawa ng reporma sa lipunan at pulitika, tumanggap ng mga liberal at progresibong kaisipan, magpakalat ng mga demokratikong pananaw at lumaban upang maipanalo ang hustisya at progreso.

Humigit kumulang sa isang libong talumpati ang nabigkas ng “Prinsipe ng mga Orador” sa Europa. Siyam lamang sa mga ito ang napasama sa koleksiyong Discursos Y Artkulos Varios.

Upang madagdagan ang pondo ng mga propagandista, pinayuhan ni Jose Rizal ang Orador na magbalik sa Pilipinas noong 1890.

Ang pakikipagpulong ni Graciano sa mga kasapi ng La Junta de la Propaganda ay natiktikan ng mga Kastila kaya agad siyang sumakay sa Bapor San Juan papuntang Hongkong.

Sa pagbabalik ng Orador sa Barcelona ay dinanas niya ang isang libo at isang karalitaan. Buong pagpapakasakit niya itong hinarap alang-alang sa ikapagtatagumpay ng kalayaan.

Sa malayong lugar ng Europa nanghina ang pangangatawan niya. Ikinamatay ni Graciano ang sakit na tuberkulosis noong Enero 20, 1896.

Ang napakaraming kaisipang hinugis niya sa mga talumpati ay lagi at laging mauulinigan mula sa kawalan. Pagpapatunay lamang itong may isang propagandistang Pilipinong nanindigan sa ikalalaya ng sambayanan.

Ibinigay ni Graciano Lopez Jaena ang kaniyang kabuuan. Magpasalamat tayo sa kaniyang kadakilaan.

Gregoria de Jesus

$
0
0
Gregoria de Jesus

Kinilala bilang Paraluman ng Katipunan, si Gregoria de Jesus ay may mahalagang papel na ginampanan sa rebolusyong Pilipino.

Si Gregoria o Oriang ay ipinanganak sa Caloocan noong Mayo 9, 1875. Isa siya sa apat na anak nina Nicolas de Jesus, isang gobernadorcillo o alcalde municipal at Baltazara Alvarez Francisco, pamangkin ni Heneral Mariano Alvarez.

Kahit nagtapos ng kursong Maestra Elemental at isa sa mga nanguna sa pagsusulit na bigay ng Gobernador Heneral, napilitang huminto si Oriang upang bigyang daan ang mga kapatid na lalaking nagsisipag-aral. Si Oriang ang naging katulong ng kapatid na babae sa pag-aani sa malawak nilang palayan.

Kung wala sa bukid ay makikita mo si Gregoriang nananahi, nagbuburda o tumutulong sa mga gawaing bahay ng nanay niya. Sapagkat totoong napakaganda at mula sa isang “beuna familia” maraming kabinataan ang nanliligaw kay Gregoria. Isa sa pinakamasugid si Andres Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan.

Labingwalong taon lamang si Oriang nang ayaing pakasal ng Supremo. Ang ritwal ay ginanap sa Simbahan ng Binondo. Makalipas ang isang linggo ay muling ikinasal ang dalawa sa selebrasyong Katipunan kung saan binansagan si Oriang sa katawagang Lakambini. Isa si Gregoria sa mga unang kababaihang naging kasapi ng Katipunan.

Bilang asawa ng Supremo, si Gregoria ang naging tagapagtago ng mga lihim na dokumentong panrebolusyon. Kung gaano kaaktibo ang Supremo, gayun din naman si Oriang na buong puso at kaluluwang nagpahalaga sa makabayang ipinakikipaglaban ng Katipunan.

Sa bahay na tinirhan nila sa Calle Anyahan, laging nababagabag si Oriang kapag nababalitaang mag-iimbestiga na ang mga Espanyol. Sapagkat laging wala sa bahay ang Supremo, kaya matapang na nagdedesisyon si Oriang na likumin ang mga kasulatan at mga armas. Ang mga ito ay agad-agad niyang inilululan sa sasakyang siya mismo ang nagpapaandar. Nagpapaikut-ikot siya sa mga tabi ng ilug-ilugan ng Tondo upang iligaw ang mga kaaway. Ang bilis ng galaw ni Oriang ay naglalayo sa mga Katipunero sa bingit ng kamatayan.

Malungkot isiping ang kaisa-isang anak ni Oriang sa Supremo ay namatay sa sakit na bulutong.

Nang madiskubre ng mga kaaway ang Katipunan ay naging mistulang mandirigma rin si Gregoria. Natuto siyang sumakay sa kabayo at bumaril. Natuto rin siyang mauhaw at magutom, matulog sa kapatagan at kabundukan. Bilang gerera, nasanay din siyang naiiwan ng asawa sa mga mapanganib na lugar.

Ang mapait na kasaysayang yumakap kay Andres Bonifacio bilang biktima ng pulitika ay malinaw na malinaw na nagbabalik sa hapong isipan ni Gregoria de Jesus. Nasaksihan niya nang magkaroon ng tunggaliang pulitikal ang mga grupong Magdalo at Magdiwang sa Barrio Tenejeros at Francisco de Malabon. Kitang-kita rin niya nang dakpin ang Supremo kasama ang kapatid nito at dalhin sa Maragondon upang humarap sa malagim na paglilitis. Damang-dama rin niya nang ibaba ang sintensiya sa mahal niyang asawa na pinaratangan sa salang sedisyon o pag-aalsa sa pamahalaan.

Matapos patayin ng mga kapwa Pilipino si Andres Bonifacio, ay malungkot na namundok ang Lakambini ng Katipunan kasama ng mga kapwa rebolusyonaryo. Sapagkat maganda, mabait at kagalang-galang, ang Lakambini ay pinagtuunan ng pagmamahal ng dating kalihim ng Supremo na si Julio Nakpil. Si Julio na namuno sa mga labanan sa Montalban at sa San Mateo ay lihim din palang hinahangaan ni Oriang sa pagiging matapang at maginoo nito. Nang magtapat ng pag-ibig si Julio ay di kaagad ito sinagot ng Lakambini. Bilang respeto kay Andres Bonifacio, hinintay muna nito na makapagbabangluksa bago pormal na magpakasal sa ikalawang pag-ibig. Eksaktong Disyembre 1, 1898 nang idaos ang kasal nina Gregoria de Jesus at Julio Nakpil. Ito ay ginanap sa Simbahan ng Quiapo. Biniyayaan ng anim na anak ang mag-asawa. Kabilang dito sina Juan, Julia, Francisco, Josephine, Mercedes at Caridad.

Sakit sa puso ang ikinamatay ni Oriang noong Marso 15, 1943. Si Gregoria de Jesus na Lakambining iginagalang ang sulong maningning na tumanglaw sa panahon ng pakikidigma ng Katipunan.

Gregorio del Pilar

$
0
0
Gregorio del Pilar

Si Gregorio del Pilar ang pinakabatang heneral na nag-alay ng buhay upang palayain ang mga Pilipino sa kamay ng mga kaaway.

Siya ay ipinanganak noong Nobyembre 14, 1875 sa San Jose, Bulacan. Sina Fernando del Pilar at Felipa Sempio ang mga magulang niya. Pamangkin siya nina Marcelo del Pilar, propagandistang namalagi sa Espanya at Padre Toribio del Pilar, Pilipinong paring ipinatapon sa Guam.

Kabilang sa mga unang guro ni Gregorio sina Maestro Monico at Pedro Serrano Laktaw. Sa Ateneo niya tinapos ang Bachiller de Artes noong 1896.

Bilang estudyante, nakikitira noon si Gregorio sa bahay ni Deodato Arellano, puno ng mga propagandista, na asawa ng tiyahin niyang si Hilaria del Pilar. Sa pagtulong ni Gregorio sa pamumudmod ng mga polyetong pandigma, nagkaroon siya ng inspirasyong makatulong sa pagpapalaya ng mga Pilipino.

Nagpatala siya bilang pormal na rebolusyonaryo sa edad na beinte dos. Sapagkat naipakita niya ang bilis at ang tapang sa Laban ng Kakaron de Sili madali siyang naitaas ng ranggo bilang tinyente. Iniharap din siya sa Laban Mambog at Laban Paombong na matagumpay din niyang naisagawa. Sa dami ng armas at balang naagaw niya ay naging tinyente koronel siya sa ipinakitang husay sa digmaan. Noong Hunyo 24, 1898 ay napasuko niya ang ika-5 Batalyong Kastila sa Bulacan na naging dahilan upang tanghalin siyang Heneral.

Matapos ang mga Kastila, heto naman ang mga Amerikano. Mapapansing lagi at laging ibinubuhos ni Gregorio ang lahat ng kakayahan kapag nakikipagdigmaan. Naririyan ang Laban sa Guiguinto, ang Laban sa Plaridel at ang Laban sa San Miguel.

Nang tanghalin siyang punong tagapagtanggol ni Heneral Emilio Aguinaldo ay lagi niyang pinangangalagaan ang seguridad ng Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyonaryo. Sinasabing kung nasaan ang Pangulo ay naroon ang bansang pinamumunuan nito. Nang masukol na ng mga Amerikano ang Pampanga ay mabilis na nagpunta si Aguinaldo sa Nueva Ecija patungong Tarlac tapos ay sa Nueva Viscaya. Habang papunta sa Cagayan at sa Isabela, pinagsikapan ni Gregoriong bantayan ang Pasong Tirad sa lalawigang Bulubundukin upang hindi masundan ang Presidente.

Ang 60 kataong sundalo ni Gregorio ay hindi katapat ng 300 sundalo ni Major March pero nagpakatatag si Gregorio sa pagbabantay sa Lagusan.

Sa kasamaang palad, isang espiyang Pilipino ang nagturo sa isang makitid na daan. Nakaakyat dito ang mga Amerikanong nakasilip sa kinaroroonan ni Gregorio.

Sa isang kisapmata ay bumagsak sa hagdanang bato ang malamig na bangkay ng batang-batang sundalo. Sa matapat na pangangalaga sa pinuno, isang bayani ang nag-alay ng buhay alang-alang sa kalayaan ng sambayanan.

Sa animnapung sundalong Pilipino, walo lang ang nabuhay upang makapag-ulat kay Aguinaldo.

Sinasabing ninakaw ng mga puti ang lahat ng kasuotan ng pinatay na Heneral.

Salamat kay Tinyente Dennis Quinlan na nakakita sa hubad na bangkay matapos ang ikalawang araw. Pinabihisan niya ito, ipinalibing at pinarangalan sa isang lapida na nagsaad na si Gregorio del Pilar ay dapat daw tanghalin bilang “Isang Opisyal at Isang Ginoong Dapat na Igalang.”

Ang mortal na katawan ni Heneral Gregorio del Pilar ay nawalan ng buhay noong Disyembre 2, 1899. Sa araw na ito lalong nagningning ang kabayanihan at katapatan ng isang batang-batang Heneral na dati-rati’y tinatawag na Goyo ng kaniyang mga kababayan.

Jose Abad Santos

$
0
0
Jose Abad Santos

Ang tunay na kabayanihan ay matapat na paghahandog ng sariling buhay alang-alang sa ikararangal ng bayan. Iyan ang ginawa ng dating Chief Justice of the Supreme Court na si Jose Abad Santos nang kailanganing magdesisyon siya noong Panahon ng Hapon.

Si Jose ay ipinanganak noong Pebrero 19, 1886 sa San Fernando, Pampanga. Sina Vicente Abad Santos at Toribia Basco ang mga magulang niya.

Nag-aral siya ng elementarya sa Pribadong Paaralan ni Roman Velez sa Bacolor at ng sekundarya sa Paaralang Publiko ng San Fernando.

Noong 1904 ay ipinadala si Jose bilang pensionado sa Amerika. Nag-aral siya sa Kolehiyo ng Santa Gara. Ang abugasya ay pinasimulan niya sa University of Illinois at tinapos sa Northwestern University noong 1908. Sa kahusayang mag-aral, tinanggap niya ang Master of Laws sa George Washington University noong 1909.

Upang makapagsilbi sa mga kababayan, pagkabalik niya ay nagtrabaho siya sa pamahalaan. Naging pansamantalang klerk siya sa Archives Division at nataas bilang klerk sa Bureau of Justice. Matapos makapasa sa Philippine Bar noong 1911 ay naging court interpreter siya.

Sa husay na ipinakita ay nagsimula siyang maging special attorney sa Philippine National Bank.

Ang magandang pagkakataon ay dumating kay Jose nang mapili siyang isa sa anim na tagapayong teknikal ng unang Parliamentary Independence Mission sa Estados Unidos.

Sa nasabing misyon, kinakitaan ng husay at talino sa liderato si Jose. Ito ang dahilan kaya sa pagbabalik sa Pilipinas ay pinili siyang maging Undersecretary of Justice ni Gobernador Heneral Leonard Wood noong 1922. Sa sistematikong pamamaraan sa paghawak ng hustisya, tatlong ulit siyang nahirang na Secretary of Justice.

Ang oras ng pagtaas niya sa pusisyong Justice of the Supreme Court ay ipinagbunyi ng lahat nang manumpa siya sa tungkulin noong Disyembre 24, 1941.

Bukod sa pagiging Chief Justice, ibinigay din sa kanya ang mga katungkulang Secretary of Justice at Acting Secretary of Finance, Agriculture and Commerce sa Pamahalaang Quezon.

Nang ilikas si Pangulong Quezon sa Washington DC upang itayo ang Commonwealth Government in Exile naging pangkalahatang tagapamahala siya ng pamahalaan.

Sa kasamaang palad ay hinuli si Jose ng mga Hapon nang magtungo siya sa Cebu. Pinipilit siyang patalikurin sa Estados Unidos at makipag-usap kay Heneral Manuel Roxas.

Pinanindigan ni Joseng mamarapatin pa niyang mamatay kaysa talikuran ang Estados Unidos at Pilipinas.

Hindi nagustuhan ng mga Hapon ang naging paniniwala ni Jose kaya nagplano silang patayin siya sa Lanao del Sur.

Bago patayin ay binigyan ng pagkakataon si Joseng makaharap ang anak niyang si Pepito. Nang makitang umiiyak ang anak ay tinapik ito sa balikat, itinaas ang mukhang basang-basa ng luha at nagwikang:

“Huwag kang umiyak, Pepito. Ipakita mo sa mga taong nakapaligid sa atin na matapang ka at marangal. Magandang pagkakataong iaalay ko ang buhay ko sa bayan. Hindi lahat ay nabibigyan ng dakilang pagkakataong ito.”

Matapos lumuhod at mataimtim na nagdasal ay nagyakap nang mahigpit ang mag-ama.

Makalipas ang ilang sandali ay narinig ni Pepito ang ilang malalakas na putok ng baril. Alam niyang isang dakilang bayani ang binawian ng buhay. Mariing napakagat ng labi ang bata pero nang itaas niya ang mukha ay wala ritong mababakas na luha. Mariing kinagat ni Pepito ang mga labi at tumindig bilang isang marangal na Pilipino.

Alas dos ng hapon noong Mayo 2, 1942 nang mamatay si Jose Abad Santos. Pumanaw siyang sinasaluduhan ng lahat sa nag-uumapaw na pagmamahal sa bayan.

Josefa Llanes Escoda

$
0
0
Josefa Llanes Escoda

Isang tunay na girl scout si Josefa Llanes Escoda na nagbigay ng sarili alang-alang sa ikabubuti ng kapwa.

Si Josefa na lalong kilala sa tawag na Pepa ay ipinanganak noong Setyembre 20, 1898 sa Dingras, Ilocos Norte. Pinakamatanda siya sa pitong anak nina Gabriel Llanes at Mercedes Madamba.

Mula pa sa pagkabata ay kinakitaan na si Pepa ng sigasig sa pag-aaral. Tinapos ni Josefa ang elementarya sa Dingras at ang hayskul sa Laoag. Upang mapalawak ang kaisipan, pinili niyang sa Maynila na magpatuloy ng kolehiyo. Nakilala ng mga kamag-aral niya sa Philippine Normal College ang mataas na antas ng liderato ni Pepa. Dito niya tinapos ang Elementary Teacher’s Certificate na may karangalan.

Beinte anyos lang si Pepa nang maulila sa ama. Upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang ina at mga kapatid, ipinagsama niya ang mga ito sa Maynila. Pinilit niyang matapos sa taong 1922 ang Secondary Teacher’s Certificate sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa dahilang matalino at masigasig na estudyante, nabigyang pagkakataon siyang makapagturo sa ilang kilalang kolehiyo at unibersidad sa kamaynilaan.

Nang mabigyang pagkakataong magpalit ng bukasyon, pinili ni Pepang maging isang boluntaryong social worker sa American Red Cross (Philippine Chapter). Sa pagpapamalas ng sinserong serbisyo publiko ay nabigyan siya ng pagkakataong makapag-aral ng social work sa Amerika. Taong 1925 nang ipagkaloob kay Pepa ng New York School of Socal Work ang kaniyang sertipiko.

Tinapos din niya sa taong ding yon ang Masters in Social Work sa Columbia.

Sa Estados Unidos ay naging kahanga-hanga ang aktibismo ni Pepa bilang modelong Pilipino sa larangan ng internasyonalismo. Naniniwala siyang wala sa kulay ng balat ang husay ng isang tao kundi nasa layunin at gawa tungo sa ikauunlad ng daigdig.

Sa tuwing naiimbitahan si Pepang magsalita sa International House na pulungan ng mga estudyante, lagi siyang nakadamit Pilipino na ikinahanga ng marami. Ang kaniyang kahusayang magsalita ay pinag-uusapan din ng lahat. Kagalang-galang na Pilipina ang dating ni Josefa.

Sa pagbabalik sa Pilipinas balik-turo si Pepa bilang propesora sa UP at UST. Naniniwala siyang wala nang dadakila pa sa pagiging guro kung saan nagagabayan ang kaisipan at kamulatan ng mga kabataan.

Pinasok niya ang paglilingkod sa pamahalaan sa sumusunod na mga ahensiya: Tuberceulosis Commission ng Bureau of Health, Textbook Board ng Bureau of Public Schools at Board of Censors for Moving Pictures.

Bilang kalihim ng General Council of Women, si Pepa ay nanindigan sa malawakang kalayaang dapat tanggapin ng kababaihan kalakip ng karapatan niyang maghalal at mahalal sa eleksiyong publiko ng bansa. Naniniwala siyang katuwang ng kalalakihan ang kababaihan sa lahat ng kalakaran. Ang kababaihan, ayon kay Josefa, ay hindi lamang dapat ituring na tagamasid lamang.

Nang maging bukambibig sa malalayang bansa ang “girl scouting,” si Pepa ay ipinadala ng Pilipinas upang magsanay sa Amerika. Nang magbalik siya noong 1937 ay itinatag niya ang Girl Scout of the Philippines. Bagama’t maraming problemang kinaharap si Pepa sa pagtatatag ng organisasyon, inaprubahan ni Presidente Quezon ang Commonwealth Act 542 na nagtatalaga sa GSP bilang pambansang organisasyon.

Sa ngalan ng serbisyo publiko, hindi makakalimutan si Pepa sa kaniyang mga nagawa. Siya ang nagtatag ng Boys Town para sa mga dahop na kabataang lalaki. Siya rin ang humingi ng mga pribilehiyo ng mga kababaihang manggagawa. Siya ang kumampanyang mabigyan ng mga benepisyo ang mga matatandang kumukuha ng adult education.

Ang pinakataluktok ng serbisyo publikong ginawa niya ay naganap noong panahon ng digmaan.

Sumapi siya sa Volunteer Social Aid Committee. Isa siya sa mga palihim na tumulong sa mga bilanggong Pilipino at Amerikano na mabigyan ng pagkain, damit at gamot.

Inaresto siya ng mga Hapon noong Agosto 27, 1944 at ikinulong sa Karsel 16 sa Fort Santiago. Tiniis niya ang lahat ng hirap alang-alang sa bayan. May nagsasabing inilabas si Pepa sa Fort Santiago at dinala sa Far Eastern University na isa sa mga gusaling okupado ng mga Hapon.

Sapagkat hindi na nakita pa ang bangkay ni Pepa, walang tiyak na nakapagsabi kung saang lugar siya pinatay.

Isang bagay lamang ang natitiyak ng mga Pilipino na nagdusa si Josefa Llanes Escoda alang-alang sa mga kababayan at sa bansang kanyang pinarangalan at pinaglingkuran.

Melchora Aquino

$
0
0
Melchora Aquino

“Bata ka man o matanda, makatutulong ka rin sa iyong bansa.”

Iyan ang paniniwala ni Melchora Aquino-Ramos o Tandang Sora na sa gulang na 84 ay buong pusong tumulong at naging inspirasyon ng mga katipunero sa pakikidigma sa mga Kastila.

Si Tandang Sora ay ipinanganak sa Banlat, Caloocan sa National Capital Region. Si Juan Aquino ang ama niya at si Valentina de Aquino naman ang kaniyang ina.

Ang angking kagandahan ni Melchora ay hinahangaan ng kabinataan noong kanyang kabataan. Lagi at laging napipiling mag-Reyna Elena si Sora sa mga Santacrusan.

Relihiyoso rin at mahusay makisalamuha si Sora sa mahihirap man o mayayaman. Sa mga pabasa kung mahal na araw, nangunguna siya sa mga kaibigan sa pag-awit ng pasyon sa mga bahay-bahay.

Nang nasa wastong gulang na upang mag-asawa, napakasal siya sa masigasig niyang manliligaw na si Fulgencio Ramos. Ang pagiging ina ni Sora ay naging mabunga. Anim ang naging anak nila. Kabilang dito sina Juan, Simon, Estefania, Saturnino, Romualdo at Juana. Sapagkat naging tunay na inspirasyon sa tahanan, naganyak ni Sorang pasukin ng asawa ang serbisyo publiko. Dahil dito, tinanghal na “cabesa de barangay” si Ginoong Ramos.

Bagama’t masaya ang itinindig na pamilya, nabahiran ito ng lungkot nang pumanaw si Fulgencio. Ang hirap na maging ama at ina ay binalikat ni Sora. Sapagkat may pansariling tapang na harapin ang anumang problema, ang maliit na kabuhayang naiwan ng asawa ay pinagsikapan niyang palakihin sa tulung-tulong na pagsisikap ng kaniyang mga anak.

May katandaan na si Melchora Aquino-Ramos nang itindig ang Katipunan upang lumaban sa mga Kastila na matagal nang umaalipin sa mga Pilipino. Walumpu’t apat na taong gulang na siya noon at kilala ng lahat sa tawag na Tandang Sora.

Sa nakikitang kawalan ng katarungan sa lipunan kung saan maraming Pilipino ang napaparusahan gayong wala namang kasalanan, nagtanim ng galit si Tandang Sora sa mga Kastila. Upang maipaghiganti ang mga kababayan, lihim siyang nakipagtulungan sa Katipunan.

Kapag napapagawi sa Banlat ang mga hinahabol na katipunero, itinatago sila ni Tandang Sora sa malaking tindahan ng kaniyang anak na si Juan.

Kapag nauubusan na ng pagkain ang mga katipunero ay saku-sakong bigas ang ipinadadala ni Tandang Sora kay Andres Bonifacio. Upang di gaanong mahalata ang pagtulong, ipinadala ni Tandang Sora ang mga kalabaw niyang pansaka upang may maipang-araro ang mga kaanak ng mga sundalong Pilipino.

Ang pagtulong ni Tandang Sora sa mga katipunero ay walang hinihintay na kabayaran. Para kay Tandang Sora, dapat na tumulong ang bata at matanda, mayaman at mahirap man sa ikalalaya ng lipunan.

May mga Pilipinong doble kara, isang tapat at isang impostor. Sa inggit sa tintamasang kaginhawan sa buhay, may nagbulong sa mga Kastila ng lihim na pagtulong ni Tandang Sora.

Upang makatakas, pinayuhan ni Bonifacio na dalhin kaagad ni Tandang Sora sa Novaliches ang lahat ng kaanak niya. Sumunod si Tandang Sora pero higit na mabibilis ang mga Kastila na nahuli sila sa daan.

Sunud-sunod na imbestigasyon ang naganap. Dinala siya ng mga Kastila sa Pasong Putik, hinatak sa kumbento ng Novaliches at kinaladkad sa Cuartel de Espana. Pero kahit na piliting magsalaysay ng katotohanan ay walang narinig na anuman kay Tandang Sora. Para sa matanda, ang lihim na pagtulong sa mga katipunerong kababayan ay sagradong sikretong dapat pangalagaan.

Sa sobrang galit ng mga Kastila, ipinatapon si Tandang Sora sa Guam sakay ng bapor na Compania Maritima. Ininda ni Tandang Sora ang paglayo niya sa bansang minamahal pero naniniwala siyang dapat lang harapin ang anumang bagay na dumarating sa ating buhay.

Matapos ang digmaan nakabalik si Tandang Sora sa kaniyang bansa sakay ng barkong S.S. Uranus.

Bagama’t wala na ang karangyaan ng buhay na dati’y tinatamasa, nagmistulang pulubi si Tandang Sora sa pagbabalik niya sa Banlat. Kahit na mahirap, naniniwala pa rin siyang marangya at maligaya siya kung kasama ang mga kaanak at kababayan sa bansang kaniyang sinilangan.

Namatay si Melchora Aquino-Ramos noong Marso 12, 1919. Inilibing siya sa Musoleo ng mga Beterano ng Rebolusyong Pilipino sa Cementerio del Norte.


Miguel Malvar

$
0
0
Miguel Malvar

Pinakahuling heneral na sumuko sa mga Amerikano si Miguel Malvar.

Ang matapang na bayani ay ipinanganak noong Septiyembre 27, 1865. Sina Maximo Malvar at Tiburcia Carpio ang mga magulang niya.

Si Miguel ay unang nag-aral sa pribadong eskwelahan ni Padre Valerio Malabanan. Sapagkat maagang nahiligan ang pagnenegosyo, ang malawak niyang lupaing malapit sa Bundok Makiling ay ginawa niyang manukan at babuyan. Naging inspirasyon niya ang kaniyang asawang si Paula Maloles na anak ng isang capitan municipal.

Iginagalang na lider si Miguel kaya nahalal siyang gobernadorcillo noong 1892.

Sa sobrang pang-aapi ng mga Kastila ay nagdesisyong sumapi si Miguel sa Katipunan. Pinamunuan niya ang pakikipaglaban sa Talisay, Batangas. Nang kulungin ang matandang Malvar sa isang walang basehang krimen ay pilit itong pinakawalan ng anak na Katipunero. Nang maulinigang pinaghahanap ng mga Kastila, napilitang lumikas sa Cavite si Miguel. Sa nasabing lalawigan isinabak ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Batangueno upang mamuno sa mga tunggalian sa Zapote, Indang, Bailen, Magallanes at Alfonso. Sa bawat labanan, napansin ng lahat ang kagitingan ni Miguel. Sa husay niyang humawak ng mga tauhan at sumunod sa mga ipinag-uutos ni Pangulong Aguinaldo, naging Commanding General siya ng Batangas, Mindoro at Tayabas.

Nang nagsimula ang Digmaang Filipino-Amerikano, nahirang siyang Brigadier General. Kung gaano siya katapang na lumaban sa mga Kastila ay ganoon din siya kagiting na nakitunggali sa mga Amerikano. Pinatunayan niya ito sa pamumuno niya sa mga labanan sa Muntinglupa, San Pedro, Tunasan, Calamba at Cabuyao.

Matapos madakip ng mga Amerikano si Aguinaldo sa Palanan, Pangasinan noong Marso 23, 1901, si Miguel Malvar ang naging Commander-in-Chief ng mga militar na Pilipino.

Nanawagan si Heneral Aguinaldo na isuko na ng mga heneral ang kani-kanilang tauhan bilang pagtanggap sa kapayapaang inihaharap ng mga Amerikano. Sa panawagan, sumuko si Heneral Tinio ng Nueva Ecija noong Mayo 8, 1901; si Heneral Tomas Mascardo ng Cavite noong Mayo 15, 1901; si Heneral Cailles ng Laguna noong Hunyo, 1901.

Sa sobrang hirap na dinanas ng kaniyang pamilya at ng mga tauhan niya ay inihinto ni Miguel ang pakikidigma at sumuko kay Heneral Franklin Bell noong Abril, 1902.

Bilang paghanga sa katapangan niya, hindi ipinakulong o ipinatapon si Miguel. Binigyan siya ng pagkakataong magbalik sa asawa niya at mga anak. Ibinigay sa kaniya ang panungkulan bilang Gobernador ng Batangas pero hindi niya ito tinanggap.

Kwarenta’y sais lamang nang mamatay si Miguel sa Maynila noong Oktubre 13, 1911. Nagkaroon siya ng komplikasyon sa atay. Isang libing na may parangal militar ang inihandog sa labi ng magiting na heneral.

Ipinanganak sa maliit na bayan ng San Miguel sa Santo Tomas, Batangas si Heneral Miguel Malvar. Dito rin siya inihatid ng mga kababayan sa huli niyang hantungan.

Teodora Alonzo

$
0
0
Teodora Alonzo

May kasabihang ina ang tuwirang humuhubog sa kaugalian ng isang anak. Kung ang anak ay mapagmahal sa bayan, asahan mong ang ina ay mapagmahal din sa lupang tinubuan.
Si Teodora Alonzo na ina ni Jose Rizal ay ipinanganak sa Maynila noong Nobyembre 9, 1827. Siya ay isa sa limang anak nina Lorenzo Alonzo at Brigida de Guintos na kapwa mayaman at may mataas na pinag-aralan.

Si Orang ay nag-aral sa Colegio de Santa Rosa. Gustung-gusto niyang matutuhan ang lahat na may kinalaman sa sining at syensiya, literatura at matematika.

Beinte anyos si Teodora nang sagutin ang iniluluhog na pag-ibig ni Francisco Mercado. Matapos makasal ay napagkasunduan ng dalawang manirahan sila sa Calamba, Laguna. Ang mag-asawa ay biniyayaan ng labing-isang anak. Si Jose na pampito, ang tanging nagpahirap sa pagdadalangtao ni Teodora. Sinasabing malaki ang ulo ng Pambansang Bayani.

Bilang asawa, masikap na kabiyak ng puso ang dakilang ina. Lagi siyang tumutulong sa pagpapalago ng kanilang kabuhayan. Bukod sa masikap na paghawak ng mga gastusing pang-araw-araw, siya rin ang direktang namamahala ng kanilang pataniman ng mais, palay at tubo. Upang hindi masayang ang bakanteng oras, nagbukas din siya ng tindahan sa silong ng kanilang bahay.

Kahit marami-rami rin namang gawaing pangkabuhayan, hindi kinakalimutan ni Teodora ang mga obligasyong kalakip ng pagiging ina niya. Sinikap ni Orang na maging modelong gabay sa maraming anak niya. Sapagkat labis na mausisa si Jose nang kabataan niya, lagi at laging may laang sagot si Teodora.

Maraming sakripisyong isinabalikat ang ina ni Jose. Una rito ang pagpapalakad sa kaniyang nakayapak mula Calamba hanggang Sta. Cruz. Pinagbintangan siya ng mga Dominiko na kinamkam daw niya ang sariling lupa. Ikalawa rito ang di makatarungang pagpapakulong sa kaniya ng alkalde ng Binan na naniwala sa sabi-sabing pakikialam niya sa suliraning pampamilya ng isang malapit na kamag-anak. Pangatlo rito na sakripisyo ng mga sakripisyo ay nang barilin sa Bagumbayan ang anak niyang si Jose sa bintang na rebelyon at pag-oorganisa ng mga ipinagbabawal na samahan.

Matapos ang digmaan at makamit ng Pilipinas ang kapayapaan ay nagtangkang maghandog ang ating pamahalaan ng pensiyong pinansiyal kay Teodora. Tinanggihan ito ng “Dakilang Ina” na nagpahayag na hindi raw mababayaran ng materyal na bagay ang sakripisyo nilang mag-ina na kapwa nagmahal sa bayan. Si Jose na nag-alay ng buhay alang-alang sa kalayaan at si Teodora na humugis sa kadakilaan ng isang pambansang bayani ng sangkapuluan.

Namatay si Teodora Alonzo noong Agosto 16, 1911.

Ang dignidad na kalakip ng pagiging Ina ni Teodora ay ipinagmamalaki ng lahat ng inang Pilipina na nagmamahal din sa mga anak nila.

Vicente Lukban

$
0
0
Vicente Lukban

Bilang lider ng mga sundalong Pilipino, naniniwala si Heneral Vicente Lukban na ang pagsuko sa mga kaaway ay isang kahiya-hiyang kaduwagan.

Ang matapang na rebolusyonaryo ay ipinanganak noong Pebrero 11, 1860. Isa siya sa anim na anak nina Don Agustin Lukban at Dona Andrea Rillos ng Labo, Camarines Norte. Nag-aral siya sa Escuela Pia Publica, sa Ateneo at sa Letran.

Naglingkod siya bilang Oficial Criminalista sa Quiapo. Nang magbalik si Vicente sa Camarines Norte ay nanungkulan siya bilang Juez de la Paz.

Bilang mason, itinayo niya ang Logia Bicolano sa kaniyang lalawigan. Bilang magsasaka at negosyante, itinindig niya ang La Cooperativa Popular ng Governador Heneral. Sapagkat tinitingala siya ng masang Pilipino inakala ng mga Espanyol na makukuha niya ang simpatiya ng mga pobreng magsasaka kaya pinaaresto kaagad siya noong 1896 at pinalaya lamang kasama ng iba pang bilanggong pulitikal noong 1897. Noon lalong naliwanagan si Vicente sa kawalang katarungan ng pamahalaang Espanya. Bilang pag-aalsa, naglingkod siya bilang tagapayo ni Heneral Aguinaldo. Sumama siya dito bilang exile sa Hongkong mula Disyembre, 1897 hanggang Hulyo, 1898. Sa pagbabalik sa Pilipinas ay itinalaga siya bilang Koronel ng mga rebolusyonaryo sa mga lalawigan ng Camarines at Catanduanes.

Sa sistematikong pag-oorganisa sa mga rebolusyonaryong napailalim sa kanya, ginawa siyang Heneral sa Samar at Leyte.

Naging matapang na lider gerilya si Vicente sa digmaang Pilipino-Amerikano sa Samar. Nakasulat sa kasaysayan ang mga panalo niya sa Catbalogan, Catubig at Catarman.

Sa hirap na dinanas ng mga puti sa kamay ni Vicente ay naghandog ng pabuyang limang libong piso ang mga kaaway madakip lamang ang pinuno. Nang sumuko ang isang hepeng Pilipino sa Masbate ay lalong pinag-alab ni Vicente ang mga sundalo upang matapang na lumaban. Pinalakas niya ang organisasyong militar sa Leyte kahit sumuko na sa mga puti si Ambrocio Mojica.

Para kay Vicente, ang pagsuko ay dapat iwasan kung maiiwasan. Para kay Vicente, ang matitibay lamang ang dapat na mabuhay.

Sa katapangang ipinakita ni Vicente sa mga oras ng pakikidigma, inirekomenda siya bilang tagapamahalang pangkalahatan sa Bisaya at Mindanao.

Nang madiskubre ni Captain Jackson ang kinaroroonan ni Vicente sa Catarman ay nagkasagupaan ang dalawang pinuno. Kahit nasugatan ang Pilipino ay inagad nitong makatakas upang hindi mahuli ng mga kaaway. Sa kasamaang palad ay nasukol siya ni Lieutenant Strebler noong Pebrero 19, 1902. Ipinabilanggo siya sa Isla de Talim sa Laguna de Bay.

Nang pakawalan siya ng mga Amerikano at unti-unting nagkahugis ang lipunang Pilipino ay pumasok siya sa pulitika. Nagsilbi siyang Gobernador ng Tayabas mula 1912 hanggang 1915. Pamuli siyang nanalo sa kaniyang puwesto noong 1916 subalit nagkakasakit siya at sumakabilang buhay noong Nobyembre 16, 1916.

Ang katapangan sa paglaban, katapatan sa panunungkulan at karangalan sa oras ng digmaan at kapayapaan ay kalakip ng katauhan ni Vicente Lukban. Maituturing siyang totoong bayani ng alinmang kapanahunan.

Julian Felipe

$
0
0
Julian Felipe

May mga dakilang Pilipinong nag-aalay ng buhay para sa kalayaan; may mga dakilang Pilipino na naghandog ng talino upang magbigay inspirasyon sa rebolusyon. Isa sa gumamit ng talino ang dakilang kompositor na si Julian Felipe.

Si Julian ay ipinanganak sa Cavite noong Enero 28, 1861. Pinakabunso siya sa mga anak nina Justo Felipe, panday at Victoria Reyes, maybahay. Ang pagkahilig niya sa musika ay motibasyon ng kaniyang ama na isang miyembro ng Koro ng Simbahan.

Sa publikong eskwelahan sa Cavite unang nag-aral si Julian. Sa larangan ng musika, una niyang naging guro si Leandro Cosca. Si Padre Pedro Catalan namang kura paroko ng Cavite ang nagturo sa kaniyang tumugtog ng piyano.

Naging organista siya ng San Pedro Church at guro ng musika sa paaralang La Sagrada Familia. Naipamalas ni Julian ang husay sa musika nang maipanalo niya ang mga komposisyong Amorita Danza, Cintas y Flores Rigodones at Matete al Santisimo sa “Regional Exposition” na ginanap sa Maynila noong 1895.

Sa tagumpay na tinanggap ay inimbitahan siyang maging miyembro ng kilalang Santa Cecilia Musical Society.

Sa pagmamahal sa bayan, ang sikat na tulang Un Recuerdo na isinulat ni Balmori ay nilapatan ni Julian ng musika. Ang nabanggit na musika ay handog niya sa labintatlong martir ng Cavite na pinatay ng mga mapang-aping Kastila noong Setyembre 12, 1896.

Nang sumiklab ang Rebolusyon ay itinabi muna ni Julian ang paglikha ng musika at matapang na sumapi sa mga Rebolusyonaryo.

Sinamang palad na nahuli si Julian kasama ng maraming nagtatanggol sa bayan. Una siyang ikinulong sa Fort San Felipe, Cavite. Kahit hindi napatunayang aktuwal na lumaban sa mga Kastila, ang musikero ay ipinadala sa Maynila at ikinulong din ng ilang buwan sa Fort Santiago.

Noong kasagsagan ng digmaang Espanya-Amerika, nakipagkita si Julian kay Heneral Emilio Aguinaldo upang magprisintang gumawa ng isang marchang pandigmaan. Ang unang pyesang tinugtog ni Julian ay hinangaan ng Heneral pero isang pyesang punung-puno ng pagmamahal sa bayan ang hinahanap nito. Hinamon ng Heneral ang musikero na gumawa ng isang kakaibang musikang pandigma. Ang hamon ay tinanggap ni Julian. Anim na araw lamang ay dinala na ng musikero ang pyesa. Tuwang tuwa ang Heneral nang napakinggan ang “Marcha.” Nagpalakpakan ang mga rebolusyonaryo sa bago nilang musikang pandigma.

Nang iproklama ni Heneral Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898 sa Kawit, Cavite ay tinugtog ng Banda San Francisco de Malabon ang “Marcha Nacional Filipina” ni Julian. Nangilid ang luha sa mga mata ng rebolusyonaryo nang mapakinggan ang Marchang punung-puno ng pag-ibig sa bayan.

Sa malaking tulong na ibinigay ng nasabing Marcha upang mabuhayan ng loob ang mga Pilipinong nagsilaban sa digmaan, hinirang na Direktor ng Pambansang Banda ng Republika si Julian na may ranggong Kapitan.

Matapos ang digmaan, nagbalik sa lalawigan si Julian upang harapin ang pagtuturo ng musika. Nahalal siyang Konsehal ng Cavite noong 1902.

Namatay ang dakilang kompositor at rebolusyonaryong Pilipino noong Oktubre 2, 1944.

Ang talino sa musika at ang pagmamahal sa bayan ay inialay ni Julian Felipe sa ating bansa upang lalong magningning ang kalayaan natin sa oras ng pakikidigma.

Juan Luna

$
0
0
Juan Luna

Sa pagsuporta sa ipinakikipaglaban ng Katipunan, ang pintor na si Juan Luna ay ipinakulong at nagdusa sa Fort Santiago.

Si Juan na isang henyo sa larangan ng pagpipinta ay isinilang noong Oktubre 24, 1857 sa Badoc, Ilocos Norte. Anak siya nina Don Joaquin Luna at Doña Laureana Novicio.

Sa Ateneo de Manila tinapos niya ang Bachelor of Arts. Sa pagtataglay ng malawakang kaalaman sa karunungang pansining, naengganyo siyang magpaturo ng pagpipinta sa kilalang Kastilang pintor na nagngangalang Agustin Saez. Natural lang na kung marami kang narating na lugar ay higit na malawak ang karanasang maipipinta mo. Ito ang naging panuntunan niya kaya kumuha siya ng nabigasyon, sumakay sa barko at namasyal upang magmasid sa maraming bansa sa Asya.

Nang matantiyang may sapat na karanasan na siya sa mga paglalakbay ay puspusan niyang hinarap ang sining ng pagpipinta. Upang lalong maitaas ang katalinuhan sa bagong pinasok na larangan, nagpatala siya sa Academy of Fine Arts ng pamosong Pilipinong pintor na si Lorenzo Guerrero. Taong 1877 nang magpunta siya sa Espanya upang lalong matutuhan ang pagpipinta. Sa nasabing lugar naging eksperto siya sa mga pandaigdig na pamantayan sa arte. Masayang-masaya si Juan nang isali ng kaniyang gurong si Alejo de Vera ang kaniyang sining na pinamagatang “Daphne at Cleo”. Ito ay nagtamo ng Gantimpalang Pilak sa Roma noong 1878.

Upang lalong maitaas ang kalidad ng kaniyang sining, nagpasama siya sa kaniyang guro upang mag-obserba ng mga dakilang sining ng mga sikat na pintor ng iba’t ibang museo sa Europa.

Alam na alam ni Juang ang paglahok sa mga pandaigdigang timpalak ay pagsuntok sa buwan. Subalit para sa Pilipinong pintor, ang paglaban sa pinakamahuhusay na pintor ng daigdig ay isang natatanging karanasan.

Para kay Juan, ang kadakilaang ipinakikita ng mga rebolusyonaryo sa nilayuang bayan ay maaari niyang tumbasan ng kadakilaang pakikipaglaban sa larangan naman ng pandaigdigang pagpipinta ng isang libo at isang karanasan. Sa paninindigang ito, inilaban ng pintor ang kaniyang “Death of Cleopatra” na tinanghal na Pangalawang Gantimpalang Pandaigdig. Ipinagbunyi ng mga Pilipino sa Europa ang kahusayan ni Juan. Ipinagmalaki nila ang pagiging Pilipino ng sikat na pintor.

Nang punahin ng ilang Europeo ang pagiging Indio ni Juan ay ipinagtanggol siya ni Jose Rizal na pinagpantingan ng tenga. Binigyang diin ng Dakilang Nobelista na ang pagiging henyo ay walang kinaaanibang bansa at sinumang may dakilang kahusayan ay maihahalintulad daw sa liwanag na nababanaagan at hanging nalalanghap sa kawalan.

At sapagkat ang puntong ipinakikipaglaban ni Jose Rizal ay punto ng mga propagandista na naglalayong magpahalaga sa mga karapatang pantao ng mga Pilipino bilang mga Asyano at mamamayan ng daigdig, lalong pinagbuti ni Juan ang kaniyang sining.

Alam ni Juang nagmamasid ang buong daigdig sa maiaambag niya sa pagpipinta. Upang lalong mahandugan ng kadakilaan ang Pilipinas, pinangatawanan ni Juang makipagtunggali sa pinakamahuhusay na pintor ng daigdig. Noong 1884 ay ipinagkaloob ang Unang Gantimpala sa kanyang Spoliarium. Taong 1885 naman nang pagbotohan ng mga hurado upang magkamit ng Medalyong Ginto ang kaniyang El Pacto de Sangre. Ang parangal na Pinakamahusay ay iginawad din sa kaniyang Battie of Lepanto noong 1888.

Nang bumisita si Juan sa Pilipinas ay inaresto siya ng Pamahalaang Espanya sa bintang na pagpaplano ng isang rebolusyon. Pinagdusahan niya ito sa bilangguan mula Setiyembre, 1896 hanggang Mayo, 1897. Matapos palayain ay nagdesisyon siyang magbalik sa Europa. Sa pagnanais na aktuwal na makatulong sa ipinakikipaglaban ng mga rebolusyonaryo, inisip niyang ang laban ay nasa loob at wala sa labas ng inaapi niyang bayan. Hindi niya nagawa ang plano nang sumabog ang Digmaang Pilipino-Amerikano. Upang makapaglingkod sa bayan, tinanggap niya ang pagtatalaga sa kaniya ni Pangulong Aguinaldo na maging kinatawang pandiplomatiko sa Pransiya.

Nagplano siyang muling umuwi sa Pilipinas upang makilahok sa pagtatanggol sa kaniyang bansang sinilangan. Nang lumapag siya sa Hongkong ay sinamang palad siyang atakihin sa puso. Disyembre 7, 1899 nang bawian siya ng buhay. Sa Simenteryo Katoliko ng Hongkong inilibing ang pintor.

Sa pagbibigay pahalaga ni Juan Luna sa Pilipinas bilang natatanging bansa ng mga henyo ay nabigyan niya ng inspirasyon ang mga kababayan upang ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipinong patas na tumindig kaninuman, lalung-lalo na sa mga mapang-aping dayuhan.

Sa Mahal na Birhen Maria

$
0
0
Sa Mahal na Birhen Maria
Tula ni Jose Rizal

Ikaw na ligaya ng tanang kinapal,
Mariang sakdal tamis na kapayapan,
Bukal ng saklolong hindi naghuhumpay,
Daloy ng biyayang walang pagkasyahan.

Mula sa trono mong langit na mataas,
Ako'y marapating lawitan ng habag,
Ilukob ang iyong balabal ng lingap
Sa daing ng aking tinig na may pakpak.

Ikaw na Ina ko, Maraing matimtiman;
Ikaw ang buhay ko at aking sandingan;
Sa maalong dagat, ikaw ang patnubay:

Sa oras ng lalong masisidhing tukso,
At kung malapit na ang kamatayan ko,
Lumbay ko'y pawiin, saklolohan ako!

Mga kasabihan at paliwanag

$
0
0
Mga kasabihan at paliwanag sa modernong panahon:


Bawal bumili ng karayom sa gabi. Mabubulag ka.
—Malamang iniisip ng mga matatanda na sa gabi ka ring iyon magtatahi. Hindi pa naman syempre uso noon ang kuryente sa mga probinsya kaya kandila ang gamit nilang ilaw. Ikaw ba naman magtahi na kandila lang ang gamit e ewan ko lang kung di ka mamatay na hindi lumalabo ang mata mo. Sa pagpasok pa nga lang ng sinulid sa butas ng karayom ay mahirap na, magtahi pa kaya?

Wag tumuloy sa lakad pag may pusang itim na tumawid sa kalsadang dinadaan niyo. May maaaksidente. Pwedeng ikaw o yung mga taong iniwan niyo sa bahay.
—Ex. Gipit na ang pamilya niyo sa pera pero nagpupumilit sumama ang anak niyo sa outing ng mga kaibigan niya. Hindi siya mapigilan ng mga magulang niya sa pagalis kasi meron siyang perang inipon (uutangin sana ng pambili ng bigas). Kaya ang solusyon ng tatay, manghiram ng itim na pusa at padaanin ito sa unang kanto ng sa lugar nila pagalis ng anak niya. Syempre matatakot yung anak niya dahil may itim na pusa kaya ayon, hindi na siya sumama sa outing. Yan ang style noong unang panahon pa lang.

May dadating na bisitang babae pag nalaglag mo ang kutsara habang kumakain at lalaking bisita naman pag tinidor.
— Ang Tinidor ay patusok. Nagsisimbulo ng pagkalalaki. Ang Kutsara ay palapad, simbulo ng pagkababae. Style ito ng mga lolo at lola natin para mapabilib nila tayo. Bilang nakatatanda, ginagalang natin sila dahil sila ang mas maraming nalalaman kesa sa atin. Style nila ito para manatili ang ating respeto at paghanga sa kanila.
Ex. Alam ng Lolo mo na dadating si Mang Igme sa bahay niyo ngayong tanghali dahil nagsabi na ito nung nakaraang linggo na babalik siya sa susunod na linggo sa parehong oras. Since yung lolo mo lang yung pinagsabihan ni Mang Igme, magkakaroon na siya ng tiyansa para magpasikat. Habang kumakain kayo ng tanghalian sasadyain ni lolo mo na malaglag ang tinidor ng paborito niyang apo at agad niyang sasabihin “Naku, may bisita tayong lalaking dadating”. Mabibilib ka na lang dahil mayamaya lang ay nandiyan na si Mang Igme sa hapag kainan niyo.

Pag nabungi ka sa iyong panaginip, may miyembro ng inyong pamilya ang mamatay. Kumagat sa pinto o haligi para hindi matuloy.
— Noon, hindi masyadong vocal ang mga tao. Madalang sabihan ng mga anak ang kanilang mga magulang ng ‘Mahal kita’ o ‘Mahal ko kayo’. Paano malalaman ng mga matatanda na mahal sila ng kanilang mga anak o mga apo? aantayin nilang mabungi ang kanilang mga anak sa panaginip at pag nagkuwento sa kanila tungkol sa kanilang panaginip ay sasabihin agad nitong “Naku, masama yan, baka lumalala na talaga ang sakit ko. Baka mamatay na ako.” (Syempre bago mangyari iyon ay nakwento na ng mga nakakatanda ang kanilang dapat gawin pag nakapanaginip sila ng ganoon). Pag kumagat ang anak/apo sa pinto o haligi, ibig sabihin nun ay mahal sila ng kanilang anak/apo. Pag hindi kumagat, hindi na sila mahal. Ang tanong, ba’t sa pinto o haligi? Dati, lahat ng pinto o haligi ay pawang gawa sa kahoy. Pag kumagat doon ang kanilang anak/apo, babaon iyon at magiiwan ng bakas. Ang bakas na iyon ang kanilang magiging inspirasyon sa kanilang pagiisa sa bahay kapag nasa eskwela o trabaho na ang kanilang mga anak. “Kahit pala matanda na ako, mahal pa rin nila ako..”.

Bawal magligpit hangga’t di pa tapos kumain lahat ng nasa hapag kainan. Hindi raw makakapag-asawa.
— Tanong, sino ang naiiwan lagi sa hapag kainan pag kumakain ang buong pamilya? malamang sina lolo’t lola na kung hindi nakapustiso ay gilagid lang ang ginagamit sa pag-nguya. Pag nagligpit ka, prinepressure mo sila na kumain ng mas mabilis na hindi nila kayang gawin dahil nga gilagid lang o pustiso ang kanilang pinangkakagat (hilig din ng matatanda manimot ng mga ulam lalo na pag isda dahil nanghihinayang sila kung itatapon lang). Kaya isang araw, nagkasundo si lolo’t lola mo na ang magligpit ng hapag kainan hangga’t di pa tapos lahat ay hindi mag-aasawa. Sino ba namang tao ang hindi gusto makapag-asawa diba? (maliban lang kung magma-madre o magpa-pari)

Bawal kumanta habang nagluluto. Hindi rin makakapag-asawa.
— Ayaw ni lolo at lola mo na ang uulamin niyong buong pamilya ay titilamsikan mo ng laway. Simple. Kaya wag mo na subukang kumanta pa habang nagluluto.

May nakaalala daw sa iyo pag nasamid o nabulunan ka habang kumakain.
— Usually, ikaw na nabulunan ay manghihingi  ng number na may katumbas na letra. At ang letrang iyon ang simula ng pangalan ng taong nakaalala sa iyo. Pinauso ito ng mga matatanda para pakalmahin ka, Checkin kung ok ka lang at gawin kang katatawanan.
Ex. “Uhummm uhummmm uhummm… Number nga!” (E kabisado nya na ang ‘J’ ay pang 10 letra yun ang sasabihin niya dahil si Joseph ang nanliligaw sayo). Magbibigay muna ng mga dalawang maling pangalan ang nakatatanda. “Joshua? ay hindi, Joel? ah!! alam ko na! Si Joseph yung bantay sa kapilya naaalala ka!”

Itapon ang ipin sa bubong at papalitan ito ng daga
– Bakit hindi aso? Bakit hindi pusa? Ang ipin ng daga ay mas nahahawig sa ipin ng tao. lalo na ang 2  ipin sa harap kumpara sa aso at pusa na matatalas. Sinasabi rin ito ng matatanda bilang pampalubag loob sa mga batang nahihiyang ngumiti at makipaglaro sa mga kaibigan. Sinasabi lang ito ng matatanda kapag hindi pa permanent tooth ang nabungi sa bata. Kaya ang mga bata, magugulat dahil totoo nga na napalitan ang kanilang ipin pagkalipas lang ng ilang linggo.

Mauunang mamatay ang nasa gitna pag 3 kayong nagpapicture.
– Hindi lang napapansin ng karamihan, ngunit likas sa tao ang bigyan ng atensyon ang mga mas nakakatanda. Tumingin kayo sa mga grand family picture niyo. Sino ang nasa gitna? Sina lolo at lola hindi ba? Kung sino ang special, siya ang nasa gitna. Lalo na noong panahong sobrang konti pa lang ang mayroon camera at sobrang mahal ang magpakuha ng litrato. Ngayon, dahil sa digital camera, pwede na ang magpalipat-lipat ng pwesto. Kahit ang lolo at lola mo ang nasa magkabilang dulo at naka-wacky pa. Pero meron pa rin namang mga nagpapatuloy ng mga gawaing ito. Ang mga class picture natin. Sino ang nakapwesto sa gitna? Walang iba kundi ang adviser mo na di hamak na mas matanda at mataas ang posibilidad na una siyang mamatay kaysa sayo.

Wag matutulog na basa ang buhok. Mabubulag ka.
– Una, hindi ito applicable sa mga kalbo. Pangalawa, para mapatunayan niyo ito sa sarili niyo, subukan niyo ito ng kahit isang beses. Hindi totoo na mabubulag ka. Pero totoo na gigising ka na blurred ang iyong paningin. San ba nagsisimula ang pagkabulag? Edi sa panlalabo ng paningin. Kaya nila nasasabi na mabubulag ka, hindi nga lang agad-agad kundi pag pinagpatuloy mo ang pagtulog na basa ang buhok. Lalo na noong unang panahon na wala pang magagandang tela na bath towel na nakakaabsorb ng tubig sa buhok at lalo ng wala pang electric fan at hair dryer at blower.

Wag magpapalit o kakain sa dalawang plato. Dalawa ang magiging asawa mo.
– Hindi nilinaw ng kasabihan na ito kung dalawa bang sabay ang magiging asawa mo o mabibiyuda ka at makakapag-asawang muli. Ang pinaka punto lamang nito ay ang kakuntentuhan ng tao sa isang bagay. Kung kuntento ka na sa isang platong kinainan mo, hindi mo na kailangang maghanap o magpalit pa ng ibang plato. Ang simpleng pag-uugali kung minsan ay lumalarawan sa kabuuan ng ating pagkatao.

Wag magpalumbaba. Lalapitan ka ng malas.
– Dahil ba ito sa pose ni Ninoy sa 500 peso bill? o dahil sa kasabihang ito kaya ganun ang naging pose ni Ninoy sa 500 peso bill? Ang pagpalumbaba ay nagiging natural na postura ng tao kapag sila ay nag-iisip ng malalim at matagal at kadalasang natutulala at napapadiretsong idlip. Sinasabi ito ng mga tao matatanda sa mga tindero at tindera nila noon dahil bukod sa mahahalata ng mga tao na matumal ang kanilang benta ay matutukso ang mga tindero na maidlip.

Wag magwalis sa gabi. Lalabas ang grasya.
– Noon, may halaga ang ating 1 sentimo. Hindi pa rin noon uso ang mga bumbilya at gumagamit lamang sila ng gasera. Mawawalis ang mga nakakalat na barya sa sahig kapag nagwalis sila sa gabi. Kaya iniiwasan nila ito.

Bawal isukat ang damit pangkasal. Hindi matutuloy ang kasal.
– Binubuo ito ng element of surprise. Sa araw lamang ng kasal ito dapat isuot. Para mapangalagaan ang pagiging espesyal ng okasyong inyong pinaka-aabangan.

Bawal magpakasal ang magkapatid sa loob ng isang taon o pag may namatay na kamag-anak. Sukob. Mamalasin ka.
– Sukob dahil sa gastos. Dahil magastos ang mag-pakasal at magpalibing. Dapat 1 year ang pagitan. Para maka-ipon at magpagpa hinga muna ang mga kamag-anak na magreregalo sa inyo. Isang malaking sumpa ang wala ng magastos na pang-ulam ang mga bagong kasal hindi ba? Hindi rin maganda magdiwang at magsaya agad pagkamatay ng nanay o tatay mo.

Wag didiretso sa bahay pag galing sa lamay, susundan ka daw kasi ng patay
-Kailangan daw na tumambay ka muna sa kung saan tulad ng tindahan, ihawan para mailigaw ang kaluluwang susunod sa iyo. Malamang ay ayaw lang ng nag-imbento ng kwento na ito na malaman ang nakakatakot na pangyayari sa buhay ng namatay. Sila yung mga taong takot sa horror story at ni ayaw sumilip sa kabaong dahil hindi daw nabubura sa kanilang isip.

Kapag may inutos daw sayo ang tao bago ito mamatay at hindi mo nasunod, ay mumultuhin ka nito
–Ito ay panakot lang ng mga magulang sa kanilang mga anak para sundin sila palagi ng kanilang anak dahil ang buhay ng  tao ay hindi permanente at sa kahit anong oras ay pwede tayong mamatay

Pag namatay na mabait, diretso sa langit. Pag namatay na masama, diretso sa impyerno. Pag medyo-medyo, diretso sa purgatoryo.
-Ito ay panakot lamang ng mga pari na isinabuhay na ng mga tao. Ito ay isang paraan para magkaroon ng lipunan na binubuo ng mga taong mababait. Ang purgatoryo ay isa raw lugar kung saan dadalisayin ka sa iyong nagawang kasalanan. Ang haba raw ng itatagal ng tao dito ay nakadepende sa nagawa mong kasalanan. At para mapaiksi daw ang paglalakbay ng taong namatay ay kailangan siyang tulungan magdasal ng mga mahal sa buhay. Ang purgatoryo ay wala dati sa mga aral ng Roma Katolika at umusbong lang noong 1215 sa Lateran Council at muling umusbong noong 1431 sa Leon Council at Trent Council sa pagitan ng 1545 hanggang 1563. Totoo bang may langit at impyerno? Yan ay nakadepende na sa paniniwala ng tao, pero ang langit at impyerno ay mababasa mismo sa reperensya ng mga kristiyano, ang Biblia. Ngunit ang Purgatoryo ay hindi nakasulat sa biblia at interpretasyon lang.

Kailangan daw binyagan ang bata para di madaling magkasakit
–Walang malinaw na paliwanag ang siyensa sa paniniwala dito ng mga katoliko. Ginawa lamang ito para akitin ang mga magulan na ipabinyag ang kanilang anak noong panahon na hindi pa nadidiskobre ang ‘immune system’, ‘vaccine’ at ‘vitamins and minerals’.

Pag patulis daw ang tiyan ng buntis ay lalaki at pag bilugan naman ay babae
-Ang matulis ay phalic symbol lamang (ari ng lalaki) kaya nila naisip na kapag lalaki ay “Matulis” at bilog naman pag babae.

Bawal daw maligo ng 1 linggo, pagka-panganak dahil mabibinat
-Marami na ang nagpatunay na hindi ito totoo. Sinasabi lamang ito noon para mabigyan ang nagbuntis ng higit pa sa espesyal na atensyon ng kanyang asawa at pamilya. Kadalasan ay hindi pinapakilos ang bagong panganak. Ngunit sa ibang bansa ay bumabangon agad at gumagawa ng gawaing bahay. Isa pa, ang mga gawaing bahay noon ay pisikal tulad ng paglalaba na hindi pa ginagamitan ng washing machine, igib ng tubig noong panahong wala pang gripo at pagluluto ng wala pang kalan.

Pag kumain ng kambal na saging ang buntis, ay magiging kambal ang anak
-Nakatsamba lang siguro ang unang kumain nito kaya nagawa niya ang kwentong ito. Kung totoo ito ay malamang sa malamang, lahat ng pinay na nagbubuntis ay kambal na. Ang panganganak ng kambal ay maipapaliwanag sa siyentipikong paraan at hindi sa mala-alamat ng saging na paraan.

Papahiran daw ng laway ang bata ng taong nakabati dito para iwas ‘usog’
-Isa lamang itong imbentong paniniwala. Kadalasan ang bata ay natural na umiiyak kapag may nakakasalamuhang bagong amoy, hitsura at ingay ng tao. Minsan ay nagkakataon lang na masama ang pakiramdam ng bata noong mabati ito ng kakilala.

Para mawala ang sinok ng bata, lagyan ng sinulid sa noo
–wala itong siyentipikong basehan. Maaari lamang na napupunta ang atensiyon ng bata sa  sinulid na nakalaylay sa kanyang noo kaya naiiba ang paghinga at pwesto dahil sa pilit na pag-abot nito.

Kapag nadulas daw ang nanay habang nagbubuntis na una ang puwit, ay bingot ang magiging anak
-Ang pagkabingot ay namamana sa angkan. Pangsisisi lamang ito ng mga tao sa kapabayaan ng magulang at hindi pag-iingat sa pagdadalang tao.

Pakainin ng puwet ng manok ang bata para mabilis makapag-salita
-Ang kakayahan ng bata ay nakadepende sa talino, sustansya at taong nakapaligid dito. Siguro ay aksidenteng napakain si Gloc-9 noong bata pa kaya naimbento ang kwentong ito. Isa itong malaking imbento ng mga matatanda. Baka kailangan din nilang pakainin ng paa ng manok ang bata para mabilis ding makalakad.

Kapag natinik sa pagkain ng isda, magpahilot sa lalamunan sa kakilalang taong suhi
-Mawawala daw ang tinik pag nagpahilot ka ng lalamunan sa kanila. Ang ‘suhi’ ay ang mga taong unang lumabas ang paa sa panganganak imbis na ulo muna. Isa lamang itong pagbibigay ng espesyal na pagturing sa mga taong suhi. Tila may hiwaga daw ang mga taong pinanganak na una ang paa. Ginawa lamang ito para ipagkalat na pinangak niya ang anak niya na una ang paa upang maging sikat siya at pag-usapan sa kanilang lugar.
“Uy, natinik yung anak ko! Pahilot nga sa lalamunan!”
“Sige”
Nachambahang natanggal
“Uy! Thank you ha! You’re a hero in disguise! Ang laki ng utang na loob ko sayo! O, iuwi mo itong isang kilo ng bayabas!”
“Thank you po.”
Mas epektib pa ang pagpapalunok ng kanin o kaya ng malaking parte ng saging kapag natinik.

Wag mag-outing bago ang graduation
Karamihan pinagbabawalan ng mga magulang na pasamahin ang anak nila bago at pagkatapos ng graduation dahil takaw aksidente daw. May nalulunod, nababangga ang sasakyan at iba pang malalang aksidente.
Takot silang gumala ka bago ang graduation dahil ang pera nila na panghanda sa inyong magiging bisita ay mababawasan kapag pumunta ka sa Boracay dahil tiyak na manghihingi ka. Magastos ang paggraduate.
Takot silang sumama ka sa outing pagkatapos ng graduation dahil bukod sa galing kayo sa malaking gastusin, ikaw ang inaasahan nila na mag-aahon sa kanila sa kahirapan at takot silang maaksidente ka dahil pag nawala ka, mawawalan ng kabuluhan ang kanilang pagpapaaral sayo. Ang pag-asa nilang inatang sayo ay mawawala kapag namatay ka.
Kaya intindihin niyo ang magulang ninyo. Hindi sila naghihigpit dahil naniniwala sila na may nangunguhanh diwata sa ilog kundi mas tumaas lang ang kanilang pagpapahalaga sa iyo.

Pag nagkaroon ka ng sugat sa mahal na araw, hindi ka gagaling
Habang buhay daw na hindi gagaling ang iyong sugat kapag nagkasugat ka sa mahal na araw. Maliwanag na hindi ito totoo dahil yung mga nagpepenitensya ay gumagaling naman. Minsan nga lang yung mga nagpepenitensya ay nagkakapalitan ng dugo dahil walang tigil sa pagtalsik ang mga dugo. At kapag nahawa sila sa may AIDS at iba pang sakit, hindi na maaaring gumaling pa.


Sanggunian:

Metaporista. July 8, 2010. Linaw at Paliwanag Sa Mga Kasabihan at Pamahiin ng Matatanda. Retrieved from https://metaporista.com/2010/07/08/linaw-at-paliwanag-sa-mga-kasabihan-ng-matatanda



Tugma

$
0
0
Tugma

Ang tugma ay ang pagkakatulad ng tunog sa dulo ng mga salita na nasa hulihan ng dalawa o higit pang magkasunod na taludtod. Makikilala ang tunog sa pamamagitan ng pagbigkas ng dulong patinig o ng dulong katinig ng mga salita.

Mga Antas Ng Tugma
May apat na antas ng tugma ang tradisyonal na panulaang Pilipino.

1. Tugmang Karaniwan ang Antas
Ang pinakamatanda at pinakapalasak na antas ng tugma. Ginamit ito ng mga sinaunang Pilipino sa kanilang mga tula (tanaga, dalit, epiko), at maging sa kanilang mga salawikain, sawikain, kawikaan, palaisipan, bugtong, at awit.
Namayani rin ito noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol (1565-1898) – sa mga aklat ng Pasyon at sa mga tula nina Jose dela Cruz, Francisco Balagtas, Jose Rizal, at iba pa.
Magpahanggang ngayon, ito pa rin ang pinakakaraniwang antas ng tugma sa tradisyonal na panulaang Pilipino.

May dalawang uri ng antas na ito: karaniwang tugmang patinig at karaniwang tugmang katinig.

Sa karaniwang tugmang patinig, ang mga salitang pantugma ay dapat na magkatulad ang mga huling patinig at ang tunog sa dulo (may impit sa may impit o walang impit sa walang impit).

Sa loob at labas ng bayan kong sawì,
Kaliluha’y siyang nangyayaring harì,
Kagalinga’t bait ay nilulugamî,
Ininis sa hukay ng dusa’t pighatî.
(Francisco Balagtas, Florante at Laura, 1838)

Ang mga salitang pantugmang sawì, harì, nilulugamî, at pighatî ay pare-parehong nagtatapos sa patinig na i, at pare-parehong may impit ang tunog sa dulo.

Ang salita nati'y huad din sa ibá,
Na may alfabeto at sariling létra,
Na kaya nawala'y dinatnan ng sigwá
Ang lunday sa lawa noong dakong úna.
(Jose Rizal, "Sa Aking Mga Kabata," 1869)

Ang mga salitang pantugmang ibá, letra, sigwá, at úna ay pare-parehong nagtatapos sa patinig na a at pare-pareho ring walang impit ang tunog sa dulo.
Sa karaniwang tugmang katinig, inuri ni Jose Rizal noong 1887 sa dalawang pangkat ng mga tunog ang mga katinig: malakas at mahina.
Malakas ang tunog kung ang salita ay nagtatapos sa b, kdgpst. Mahina ang tunog kung ang salita ay nagtatapos sa katinig na l, m, n, ng, r, w, y.
Noong 1987 nga, nairagdag bilang mga katinig na malakas ang tunog ang cfqvxz.
Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay dapat na magkakatulad ang mga huling patinig (a, e, e-i, i, i-e, o, o-u, u, u-o) at ang tunog (malakas sa malakas, mahina sa mahina).

Ang laki sa layaw karaniwa’y hubád,
Sa bait sa muni’t sa halot ay salát
Masaklap na bunga ng maling paglingáp,
Habag ng magulang sa irog na anák.
(Francisco Balagtas, Florante at Laura, 1838)

Ang mga salitang pantugmang hubád, salát, paglingáp, at anák ay pare-parehong nagtatapos sa huling patinig na a at sa mga patinig na dtp, at k, ayon sa pagkakasunod, at sa gayo’y malakas ang tunog sa dulo.

Ang wikang tagalong tulad din sa látin,
Sa ingles, kastila, at salitang ánghel,
Sa pagka ang Poong maalam tumíngin
Ang siyang nagbigay, naggawad sa átin.
(Jose Rizal, "Sa Aking Mga Kabata," 1869)

Ang mga salitang pantugmang látin, ánghel, tumíngin, at átin ay nagtatapos sa mga patinig na i-e, at sa mga katinig na nln, at n, ayon sa pagkakasunod, at sa gayo’y mahina ang tunog sa dulo.

2. Tugmang Tudlikan ang Antas
Ito ay antas na mas mataas sa tugmang karaniwan. Nagagamit na ito noon pa mang unang panahon, subalit higit na nabigyan ng pansin nang pumasok ang mga unang dekada ng Siglo 20 (1900-1930).
Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga dulong patinig, at ang mga tunog sa dulo, kundi maging ang mga bigkas (maragsa sa maragsa, malumi sa malumi, mabilis sa mabilis, o malumay sa malumay).

Nais kong sa buhay ng ating pag-ása,
Walang makatagpong anino ng dúsa.
(Lope K. Santos, "Pagtatapat," 1926)

Ang mga salitang pantugmang pag-ása at dúsa ay parehong nagtatapos sa patinig na a, parehong walang impit ang mga tunog sa dulo, at parehong malumay ang bigkas.

3. Tugmang Pantigan ang Antas
Ang antas na ito ay panukala (at sa gayo'y imbensiyon) ng pamosong Virgilio S. Almario. Isinulong niya ito noong Dekada 1970 dahil nahihirapan ang maraming tradisyonal na makatang Pilipino na magamit sa kanilang mga tula ang pinakamataas na antas ng tugma (tugmang dalisay ang antas).
Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga tunog sa dulo at bigkas, kundi maging ang mga dulong patinig-katinig o dulong katinig-patinig.

Sa araw ng aking mahahabang antók,
At di-mapigilang pagputi ng buhók,
Sisilip-silipin sa bintanang gapók,
Ang musmos na araw at sumpang marupók.
(Rio Alma, "Ang Bungi ni Ani," 1984)

Ang mga salitang pantugma na antók, buhók, gapók, at marupók ay pare-parehong malakas ang tunog sa dulo, pare-parehong mabilis ang bigkas, at pare-parehong nagtatapos sa patinig-katinig na ok.

4. Tugmang Dalisay ang Antas
Ang pinakamataas na antas ng tugma, at ang pinakamahirap gamitin. Isinulong ito ng pamosong makata-manunulat-at dalubwikang si Iñigo Ed. Regalado noong Dekada 1950, at siya rin ang naging pinakamahusay sa paggamit ng antas na ito.
Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga tunog sa dulo, bigkas, at dulong patinig-katinig o dulong katinig-patinig, kundi maging ang patinig sa penultima ng mga ito.

Sintang kaibigan: Mangyaring lasáhin
ang katas ng Tulâ;
Suriin mo lamang matapos basáhin
ang dahil at mulâ.
(Iñigo Ed. Regalado, "Paunang Salita," Damdamin, 1965)

Ang mga salitang pantugmang lasáhin at basáhin ay parehong mahina ang tunog sa dulo, parehong malumay ang bigkas, parehong nagtatapos sa patinig-katinig na in, at parehong a ang patinig sa penultima.
Ang mga salitang pantugmang Tulâ at mulâ ay parehong may impit ang tunog sa dulo, parehong maragsa ang bigkas, parehong nagtatapos sa katinig-patinig na la, at parehong u ang patinig sa penultima.



Mga Sanggunian:


Alexander Dagrit . September 24, 2009. Ang Tugma, Sukat, At Alindog Sa Tradisyonal Na Panulaang Pilipino. Retrieved from http://www.filipinowriter.com/ang-tugma-at-sukat-sa-tradisyonal-na-panulaang-pilipino

Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1985).

Rizal, Jose. "Ang Sining ng Panulaang Tagalog" sa Mga Iba't Ibang Sinulat Ni Rizal (1964).

Santos, Lope K., Balarila ng Wikang Pambansa (1939).

Torres, Cesario Y. "Ang Tula" sa Makabagong Pananaw Sa Wika at Panitik (1976).

Mga Uri Ng Bigkas Ng Mga Salita

$
0
0
Mga Uri Ng Bigkas Ng Mga Salita

Ang mga salitang Pilipino ay may anim na uri ng pagbigkas:

1. Maragsâ – kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig, at binibigkas nang mabilis, tuloy-tuloy, at may impit na mabilis sa dulo. Ang diin ay nasa huling patinig, at ang sagisag o tuldik ng diin ay pakupya (^).
/â/: akdâ, biglâ, digmâ, gawâ, hiyâ, likhâ, kutyâ, ngatâ, pisâ, tugmâ
/ê/: tulê
/î/: balî, daglî, gawî, hapdî, lunggatî, kimî, malî, ngitî, pigî, suhî, tupî
/ô/: bungô, gintô, hapô, kulô, pulô, samyô, tagô, upô, wastô, yukô

2. Malumì – kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig, at binibigkas nang dahan-dahan, may saglit na paghaba o pagtaas ng patinig sa ikalawa sa huling pantig (penultima) nito, at may impit na banayad sa dulo. Ang diin ay nasa huling patinig, at ang sagisag ng diin ay paiwa (`).
/à/: binatà, diwà, galà, hinà, kalingà, lupà, malayà, pinsalà
/è/: nenè, tiyanggè
/ì/: amukì, busisì, dalirì, gusì, harì, kawalì, lipì, munì, ngingì, susì, tiyanì
/ò/: alò, birò, dapò, guhò, hangò, kurò, ligò, pugò, siphayò, tibò

3. Mabilís – kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig o katinig, at binibigkas nang tuloy-tuloy, walang saglit na paghaba o pagtaas ng patinig sa penultima nito, at walang impit sa dulo. Ang diin ay nasa huling patinig, at ang sagisag ng diin ay pahilis (′).
/á/: amá, buká, dalá, gandá, hiningá, iná, limá, masayá, nilá, puntá
/é/: ataké, baldé, ditsé, gulpé, helé, kapé, plaké, sisté, tangké
/í/: aní, bilí, dumí, gabí, kamí, liksí, marumí, nirí, putaktí, tutubí, wilí
/ó/: anó, butó, damó, guló, hiló, kayó, litó, noó, pitsó, sikó, tuliró
/b/: dibdíb, habháb, kintáb, lublób, marubdób, subsób, tigíb
/d/: agád, bilád, gadgád, kidkíd, lingíd, manhíd, sunód, tagudtód
/g/: alóg, bibíg, dalág, kulóg, labág, pintíg, sahíg, tagtág, untág
/k/: anák, biták, dikdík, hibík, katók, lubák, purók, sinók, tiyák
/p/: atíp, dahóp, ganáp, hagíp, kisáp, langkáp, mailáp, saráp, takíp
/s/: aklás, bigás, dahás, gasgás, malakás, puspós, sintás, tamís
/t/: aklát, bigát, dikít, gupít, kidlát, lahát, malagkít, payát, sibát, tuyót
/b/: álab, dagítab, hílab, kútab, lúsob, pangánib, súkob, taláhib, úkab
/d/: ánod, búkid, hinúhod, káyod, malápad, páhid, súyod, tagúyod
/g/: bísig, dúmog, káhig, masípag, pag-íbig, sigásig, táyog, ulínig
/k/: álak, bátak, dágok, gáwak, kákak, lúsak, pílak, súlok, tútok
/p/: ágap, di-maísip, hagílap, kálap, língap, panagínip, sinop, úsap
/s/: ágas, búhos, dílis, gápas, hímas, kílos, lítis, páwis, siláhis, tíkas
/t/: áwat, bíngit, dúlot, gámit, hílot, kuyápit, lígat, maínit, súlat, talúlot

4. Malúmay – kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig o katinig, at binibigkas nang dahan-dahan, may saglit na paghaba o pagtaas ng patinig sa penultima nito, at walang impit sa dulo. Ang diin ay nasa patinig ng penultima, at ang sagisag ng diin ay pahilis (′) din.
/a/: búnga, gáya, hiléra, kúya, lása, múra, nípa, páta, ráya, tinóla
/e/: áte, babáe, dóte, gábe, héle, kaliwéte, líbre, mónghe, putáhe
/i/: anáki, dáti, halígi, ígi, laláki, mabúti, ngísi, rámi, síbi
/o/: anímo, búko, dáyo, góto, hílo, kúto, líbo, magkáno, púto, táo
/l/: almusál, bukál, gatól, halál, kurál, lindól, mahál, pasyál, sugál
/m/: alám, dilím, gutóm, hirám, kimkím, lagím, malalím, pahám
/n/: bunton, doón, gaán, hagdán, kariktán, lakán, masdán, panahón
/ng/: abáng, bintáng, gulantáng, hilíng, kangkóng, lusóng, singsíng
/r/: bilyár, doktór, kolyár, lugár, menór, padér, talyér, ulsér
/w/: alíw, banláw, diláw, galáw, hiláw, kalabáw, litáw, pakyáw, sabáw
/y/: akbáy, bigáy, digháy, gabáy, hintáy, kamáy, suysóy, tuláy
/l/: ásal, bákal, dáhil, gígil, hiláhil, kalákal, lípol, pátol, súhol, tákal
/m/: ásim, bálam, gútom, hílom, kúlam, lágom, maínam, pakímkim
/n/: ákin, bilíhan, dúyan, haláman, kaibígan, likmúan, súman, tángan
/ng/: bílang, dáing, gíting, híging, kúlang, lúsong, magúlang, tábing
/r/: gárter, helikópter, kánser, líder, mártir, pláster, rebólber, talúrok
/w/: áraw, búgaw, dúngaw, gíliw, kágaw, línaw, sítaw, tákaw
/y/: álay, bágay, dúlang, gíray, hánay, kúlay, láboy, pálay, tinápay

5. Mariin – kapag ang salita ay nagtatapos sa patinig o katinig, at binibigkas nang may-kabigatan binibigkas sa ikatlo, ikaapat, ikalima, o higit pang pantig mula sa huling pantig. Ang diin ay nasa patinig ng ikatlo, ikaapat, ikalima, o higit pang pantig, at ang sagisag ng diin ay pahilis (′) din. Maaaring sa patinig ng huling pantig ay iba na ang diin.
ika-3 mula sa huling pantig: maáarì, nárito, páwíkan, Saligáng-batás
ika-4 mula sa huling pantig: ábuluyán, épilogó, nanggígitatà, nápipintô
ika-5 mula sa huling pantig: mápagkamalán, mápariwarà, nangángalumbabà
ika-6 mula sa huling pantig: págpapatiwakál
6. Malaw-aw – kapag ang salita ay binibigkas nang pahakdaw sa huling pantig ng salita, na mistulang pinaghihiwalay ang ikalawang huling katinig o huling katinig at ang huling patinig sa pamamagitan ng gitling (-) at hindi ng tuldik.
agay-ay, agaw-aw, alay-ay, aliw-iw, an-an
gab-i, ig-ig, palaman-an
salag-oy, tung-ol

ug-og, uk-ok, ut-ot



Mga Sanggunian:


Alexander Dagrit . September 24, 2009. Ang Tugma, Sukat, At Alindog Sa Tradisyonal Na Panulaang Pilipino. Retrieved from http://www.filipinowriter.com/ang-tugma-at-sukat-sa-tradisyonal-na-panulaang-pilipino

Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1985).

Rizal, Jose. "Ang Sining ng Panulaang Tagalog" sa Mga Iba't Ibang Sinulat Ni Rizal (1964).

Santos, Lope K., Balarila ng Wikang Pambansa (1939).

Torres, Cesario Y. "Ang Tula" sa Makabagong Pananaw Sa Wika at Panitik (1976).

Mga Uri Ng Tunog Ng Mga Salita

$
0
0
Mga Uri Ng Tunog Ng Mga Salita

Ang mga salitang Pilipino ay mayroong iba't ibang uri ng tunog:

1. May impit na mabilis. Kung ang patinig ay binibigkas nang tuloy-tuloy at pasara (âêîôû), ang tunog nito ay may impit na mabilis. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang maragsa ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na mabilis.
/â/: akmâ, badhâ, dalitâ, gibâ, hupâ, kaliwâ, simulâ, tubâ, ugâ, walâ
/ê/: bembê
/î/: binhî, gahî, hingî, iklî, kawangkî, luntî, muhî, pigî, tilî, untî
/ô/: anyô, bigô, dukmô, hintô, kulô, muktô, sundô, tukô, wastô, yugtô
/û/: tatû

Ang mga patinigna may impit na mabilis ang tunog ay ginagamit din sa dulo ng mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na mabilis.
/â/: bigáypalâ, dalít-bansâ, kálunyâ, mámayâ, námamagâ, pulót-gatâ
/î/: malí-malî, kamuhí-muhî, nápangiwî
/ô/: kásundô, likú-likô, natútuyô, salá-gintô


2. May impit na banayad. Kung ang patinig ay binibigkas nang dahan-dahan at pasara (àèìòù), ang tunog nito ay may impit na banayad. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang malumi ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na banayad.
/à/: akalà, biyayà, diwatà, garà, hità, kubà, luhà, tihayà, sipà, yatà
/è/: bekè
/ì/: amukì, balì, gisì, kawalì, lapì, mungkahì, pilì, susì, tigì, warì
/ò/: akò, balahò, durò, guhò, katutubò, ligò, ngusò, pasò, sukò, tubò

Ang mga patinigna may impit na banayad ang tunog ay ginagamit din sa dulo ng mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: may impit na banayad.
/à/: kátiwalà, lámang-lupà, mápariwarà, magdaláng-awà
/ì/: mánanahì, nangíngibì, pánikì
/ò/: nápasubò


3. Walang impit (at mabilis ang bigkas). Kung ang patinig ay binibigkas nang tuloy-tuloy at hindi pasara (áéíóú), ang tunog nito ay walang impit. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang mabilis ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: walang impit.
/á/: adyá, buká, diktá, halá, kuhá, maantá, ngangá, puná, simbá, tulyá
/é/: halé
/í/: aligí, bilí, dumí, gantí, irí, kublí, lansí, maskí, suwí, waksí
/ó/: akó, bagyó, kalbó, dapyó, guló, lunó, noó, simbuyó, tuksó, ubó

Ang mga katinig na walang impit ang tunog (at mabilis ang bigkas) ay ginagamit din sa iba-ibang pantig at sa dulo ng mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: walang impit.
/á/: bálaná, kálulwá, kiníkitá, lápidá, mákiná, músiká, óperá, pábulá
/é/: élisé
/í/: di-mápakalí, náhulí, táhurí
/ó/: ánimó, bíyatikó, depósitó, epikó, líkidó, máginoó, nátutó, trápikó


4. Walang impit (at banayad ang bigkas). Kung ang patinig ay binibigkas nang dahan-dahan at hindi pasara (a, e, i, o, u), ang tunog nito ay walang impit. Ginagamit ito sa dulo ng mga salitang malumay ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: walang impit.
/a/: ága, bága, kíta, dalága, háwa, lása, máya, píta, sinaúna, yáya
/e/: ále, babáe, kláse, gábe, héle, lénte, mónghe, paléngke, síge
/i/: bíbi, buháwi, díni, ígi, kilikíli, ngísi, oyáyi, pípi, saríli, táksi
/o/: aníno, bágo, katóto, hálo, líbo, matalíno, píno, síko, táo, unáno


5. Malakas. Ang mga katinig na bdgkps, at t ay malakas ang tunog. Sa gayon, ang tunog sa dulo ng mga salita na nagtatapos sa mga katinig na ito ay ganoon din: malakas.
/b/: álab, liyáb, sánib, liblíb, taób
/d/: gáwad, ladlád, lúbid, hatíd, hágod, pudpód
/g/: pápag, palág, pánig, sahíg, húlog, tunóg
/k/: bálak, halták, búlik, halík, bátok, taluktók
/p/: apúhap, sapsáp, lírip, tahíp, háyop, tiklóp
/s/: gátas, ligtás, páwis, tamís, batíkos, kaluskós
/t/: áwat, tapát, lápit, damít, ámot, gamót

Ang mga katinigna malakas ang tunog ay ginagamit din sa mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: malakas.
/b/: nágliliyáb, násubasób
/d/: kinákapatíd, nalúlugód, namámanhíd, násamíd
/g/: kánugnog, nangíngílag, nálalaglág, nárinig, náuntóg
/k/: dumádapúrak, mápahámak, námamarák, nanánabík, túktók
/p/: nátutóp
/s/: lumálabás, mádupílas, nagpúpuyós
/t/: kinákatíkot, nakayáyamót, nápamulágat, náwaglít, sábukót


6. Mahina. Ang mga katinig na lmnngrw, at y ay mahina ang tunog. Sa gayon, ang tunog sa dulo ng mga salita na nagtatapos sa mga katinig na ito ay ganoon din: mahina.
/l/: ángal, dangál, dáhil, ukilkíl, sípol, tahól
/m/: ínam, linamnám, ánim, taním, lágom, kuyóm
/n/: káwan, pinggán, hángin, tingín, dáhon, taón
/ng/: báwang, kináng, síning, tudlíng, kálong, pagóng
/r/: asár, mártir, doktór
/w/: hálaw, galáw, sáliw, liwalíw
/y/: kílay, gabáy

Ang mga katinigna mahina ang tunog ay ginagamit din sa mga salitang mariin ang bigkas; sa gayon, ang tunog sa dulo ng gayong mga salita ay ganoon din: mahina.
/l/: bódabíl, bóliból, mánananggól, máparoól, pánggigítil
/m/: nagkíkimkím
/n/: álinlangán, báyaníhan, kágawarán, kúlúngan, mágasín, pángitaín
/ng/: gumágápang, mánibaláng, málulóng
/r/: éditór
/w/: madalíng-áraw, naúúhaw
/y/: bukáng-liwaywáy, di-mápalagáy, másinsáy, págsasanáy

Noong 1987, nang maragdagan ang mga titik ng alpabetong Pilipino, naragdagan din ang mga katinig na itinuturing na may malakas na tunog: cfjqvx, at z. Sa gayon, ang tunog sa dulo ng mga salita na nagtatapos sa mga katinig na ito ay ganoon din: malakas.

Ang h at ñ ay hindi nabibilang sa alinmang pangkat ng mga tunog dahil walang salitang Pilipino na nagtatapos sa mga salitang ito.



Mga Sanggunian:


Alexander Dagrit . September 24, 2009. Ang Tugma, Sukat, At Alindog Sa Tradisyonal Na Panulaang Pilipino. Retrieved from http://www.filipinowriter.com/ang-tugma-at-sukat-sa-tradisyonal-na-panulaang-pilipino

Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1985).

Rizal, Jose. "Ang Sining ng Panulaang Tagalog" sa Mga Iba't Ibang Sinulat Ni Rizal (1964).

Santos, Lope K., Balarila ng Wikang Pambansa (1939).

Torres, Cesario Y. "Ang Tula" sa Makabagong Pananaw Sa Wika at Panitik (1976).

Sukat At Alindog

$
0
0
Sukat At Alindog

Ang sukat ay ang bilang ng pantig sa isang taludtod. Sa makalumang panulaang Pilipino, may apat na pangunahing sukat: aapatin, wawaluhin, lalabindalawahin, at lalabing-animin.

Sesura – ang hati sa pagitan ng dalawa o higit pang pangkat ng mga pantig sa isang taludtod. Layunin nito na mabigyan ng pahinga ang pagbasa.

Madalas na iisa lamang ang sesura o hati sa bawat taludtod. Kapag ganito, ang bilang ng pantig sa unang hati ng taludtod ay dapat katumbas ng bilang ng pantig sa ikalawang hati. Halimbawa, kung wawaluhing sukat, dapat ay apat ang pantig sa unang hati at apat din sa ikalawang hati (4-4). Kung lalabindalawahing sukat, dapat ay anim ang pantig sa unang hati at anim din ang pantig sa ikalawang hati (6-6). Kung lalabing-animing sukat, dapat ay walo ang pantig sa unang hati at walo rin ang pantig sa ikalawang hati (8-8).
May iba pang paraan ng paglalagay ng sesura. Ang 6-6 na hati ay maaaring gawing 4-4-4. Ang 8-8 naman ay maaaring gawing 6-6-6.
Dahil sa sesura, hindi nararapat na hatiin ang salita o ang diwa upang mapanatiling mainam ang alindog (aliw-iw o daloy) ng tula. Dahil hindi dapat hatiin ang diwa, ang bawat hati ng taludtod ay hindi dapat na mag-umpisa sa:
pandamdam na ba;
pandiwa na daw o raw;
pang-abay na dinrinmanngapahopo, o yata;
panghalip na kako, monila, ninaninoninyoniyaon, at niyon;
at pang-uri na nirinitoniyan, o niyari.
At hindi rin dapat na magtapos sa
pandiwa na ay;
pang-abay na kapagkapagkapagpagkanangpara, o upang;
pangatnig na at o kung;
pantukoy na angmganininasi, o sina;
at pang-ukol na kay, kina, ng, o sa.

Ang sagisag ng sesura ay dalawang pahilig (//).
Lalabindalawahing pantig:

Sumikat na Ina // sa sinisilangan
Ang araw ng poot // ng Katagalugan,
Tatlong daang taong // aming iningatan
Sa dagat ng dusa // ang karalitaan.
(Andres Bonifacio, "Katapusang Hibik ng Pilipinas," 1896)

Sa tulang ito, tig-aanim ang pantig sa una at ikalawang hati ng bawat taludtod.
Lalabing-animing pantig:

Bawa't palo ng martilyo // sa bakal mong pinapanday,
Alipatong nagtilamsik // alitaptap sa karimlan;
Mga apoy ng pawis mong // sa bakal ay kumikinang,
Tandang ikaw ay may-gawa // nitong buong Santinakpan.
(Jose Corazon de Jesus, "Manggagawa," 1929)

Sa tulang ito, tigwawalo ang pantig sa una at ikalawang hati ng bawat taludtod.
Dahil sa sukat at sesura, nagkakaroon ng musikalidad o himig ng awit ang alindog ng tula. Isa pa ito sa ikinagaganda ng tradisyonal na tulang Pilipino. May awit ang tula.
Subukin ninyong awitin ang mga taludtod ng Florante at Laura sa tono ng mga kantang "Atin cu pung singsing" o "Leron, Leron Sinta."
Ganyan kasalimuot ang tradisyonal na panulaang Pilipino. Tanging mga tunay na makata lamang ang nagtatagumpay sa larangang ito.

Ang mga tunay na makata ay iyong nangag-aral muna ng tungkol sa panulaang Pilipino at nangagbasa muna ng katakot-takot na tula at aklat bago nagsimulang sumabak na kumatha ng tula.



Mga Sanggunian:


Alexander Dagrit . September 24, 2009. Ang Tugma, Sukat, At Alindog Sa Tradisyonal Na Panulaang Pilipino. Retrieved from http://www.filipinowriter.com/ang-tugma-at-sukat-sa-tradisyonal-na-panulaang-pilipino

Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1985).

Rizal, Jose. "Ang Sining ng Panulaang Tagalog" sa Mga Iba't Ibang Sinulat Ni Rizal (1964).

Santos, Lope K., Balarila ng Wikang Pambansa (1939).

Torres, Cesario Y. "Ang Tula" sa Makabagong Pananaw Sa Wika at Panitik (1976).

Mga Ayos Ng Pangungusap

$
0
0
Mga Ayos Ng Pangungusap


May dalawang ayos ang pangungusap: karaniwan o tuwid at di-karaniwan o baligtad na ayos.

1. Karaniwan o Tuwid na ayos ng pangungusap.
Ito ay ang ayos ng pangungusap na kadalasang ginagamit natin lalo na sa mga pasalitang Gawain.
Nauuna ang panaguri o ang bahagi nito sa simuno ng pangungusap.

Mga Halimbawa
a. Punung-puno ng iba’t ibang damdamin / ang musika.
b. Nangangahulugang Orihinal Pilipino Music / ang OPM.
c. Isang patunay / ito / ng pagiging malikhain ng mga Filipino.

Ang Punung-puno ng iba’t ibang damdamin, Nangangahulugang Orihinal Pilipino Music at isang patunay ay pawang mga panaguri. At sila ay matatagpuan bago ang mga simuno ng pangungusap.

2. Di-Karaniwan o Baligtad na ayos ng pangungusap
Ito ang ayos ng pangungusap na nauuna ang simuno sa panaguri ng pangungusap. Ang panandang "ay" ay kadalasang makikita sa mga pangungusap na nasa di karaniwang ayos.

Sa mga sumusunod na halimbawa, mapapansin na ang mga simuno na ang nauuna kaysa sa mga panaguri.

Mga Halimbawa
a. Ang musika / ay punung-puno ng damdamin.
b. Ang OPM / ay nangangahulugang Original Pilipino Music.
c. Ito / ay isang patunay ng pagiging malikhain ng mga Filipino.

Viewing all 223 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>